Wednesday, May 26, 2010
Epiko 23: "Nasaan Na Ang Mga Kabalyero?"
Habang bumibili ako sa tindahan malapit sa amin, napansin ko na may dalawang matandang babae na nag-uusap. Pareho ko silang kapitbahay at mga matatandang dalaga. Ang isa ay nagtitinda ng puto at ang isa ay isang gurong retirado. Hindi ko sinasadyang marinig at makisali sa kanilang pinag-uusapan - ang kanilang mga naging huling kasintahan.
Sabi ng retiradong guro, naaalala niya ang kanyang kasintahang sundalo na umaakyat ng ligaw sa kanya. Napaka-maginoo daw nito at gustong-gusto ng pamilya niya. Sinusuyo niya ang kanyang mga magulan hanggang sa pumayg na magpakasal sila. Ngunit sa hindi sinasadyang pangyayari ay napatay ito sa ambush sa Batangas limampung-taon na ang nakakalipas.
Ang isa naman ay sinasabi na ang kanyang kasintahan ay hinaharana siya at sinusuyo ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na mag-igib ng tubig, pagsisibak ng panggatong at pagpapakain ng hayop. Ngunit dahil siguro naiinip ang lalaki sa kanya ay nagpasya itong magpari.
Nakakaawa naman ang dalawang matandang ito. Hanggang ngayon ay mapait pa din ang kanilang nararamdaman.
Pero nang paalis na ako, bigla nila akong tinanong ng ganito?
"Ikaw bata, paano mo napaibig ang babaeng mahal na mahal mo?" sabi ng matandang magpuputo.
Natigilan ako pansamantala. Ang totoo ay hindi ko alam kung ano ang isasagot ko.
Sa aking pananahimik bigla silang nagkwento sa isang matandang lalaki na kapitbahay namin. Sabi nila sa akin na siya na lang siguro ang natitirang lalaki sa mundo na may malaking paggalang sa mga kababaihan.
Ang tinutukoy nila ay ang Tiyo Nayong ko... isang matandang binata.
Nagpasya akong pumunta sa kanilang bahay. Bagama't hindi kami nag-uusap ng madalas ay pinaunlakan niya ako na magkwentuhan kami. Hindi ko sinasadyang tanungin siya kung bakit hindi siya nag-asawa. Sabi niya, "Hindi ito sumagi sa isip ko. Nangako ako sa isang tao na hihintayin ko siya at kapag bumalik siya ay magpapakasal kami. Ngunit nag-asawa siya ng dayuhan. Ayos lang sa akin 'yon hijo. Ang mahalaga, nagpakita ako ng respeto sa kanya hanggang sa mamatay siya sa Canada."
Napaka-gentleman talaga ng tiyuhin ko. Para siyang isang kabalyero sa panahon ng makalumang Inglatera. Noong mga panahon na 'yon, hindi lang kilala ang mga kabalyero na magaling sa pakikipaglaban at pamumuno kundi dahil sila ay maginoo, may isang salitang pinaninindigan at may malaking respeto sa mga kababaihan.
Maginooo, may salitang pinaninindigan at respeto sa kababaihan... May ganito pa bang klaseng lalaki?
Sabi ni Nancy Van Pelt sa kanyang librong "The Compleat Marriage" ("Compleat" talaga ang spelling!), ang mga kababaihan daw ay may natural na persepsyon sa isang "perpektong" lalaki. Ito daw ay katulad ng isang knight - makisig, matalino, malakas, magalang at taos pusong nagmamahal sa kanila na handang protektahan at ipaglaban siya. Kaya nga hindi kataka-takang may nabuhay na isang linya sa mga pelikula na "My knight in shining armor!" dahil sa ganitong konsepto ng pagkalalaki. Walang babae ang hindi naghangad ng ganitong klaseng tao ngunit sa paglipas ng panahon ng mga kabalyero ay unti-unti itong nawala dahil sa mga pagbabago sa pamumuhay, kultura at pag-unlad ng tao. Nawala ang values nito sa mga kalalakihan.
Ano ba itong mga katangian ng isang kabalyero na hinahanap ng isang babae? Heto ang Hierarchy of Values ng Venerable Knight Veterinartians Fraternity na kung saan ako ay kabilang din.
Una, SERVICE. Ang tinutukoy ko hindi ang pangkatawang serbisyo ng lalaki sa babae. Kailangan ang isang kabalyero ay hindi nagdadalawang isip na tumulong at maglingkod hindi lamang sa kanyang iniibig kundi sa mga taong nangangailangan ng kanyang tulong. Tulad lang ng pagbibigay ng upuan sa isang matandang nakatayo sa MRT o kaya ay pagtulong sa mga bata na tumawid sa kalsada. Pogi points ito para sa mga babae.
Pangalawa, HUMILITY. Ang kababaang loob ng isang lalaki ay isa sa mga tinitingnan ng isang babae. Sino ba ang may gusto ng mayabang na boyfriend? (baka ikaw gusto mo...) Sila ang mga tipong hindi iniisip ang sarili upang makaangat sa iba. Sila din 'yung mga taong hangga't maaari ay iniiwas ang iba sa gulo. Mahirap maging mapagkumbaba lalo na sa mga lalaking tulad namin. Pero hangga't maaari, ay magpakababa ka kahit na wala kang kasalanan. Dagdag pogi points ito dahil mararamdaman ng babae na mahalaga ka sa kanya.
Pangatlo, HONESTY. Ang pagiging matapat ay talaga namang hinahanap ng bawat babae sa isang lalaki. Ito din ang pundasyon ng pagkakaroon ng tiwala hindi lang sa iba kundi pati din sa sarili. Dahil dito, maiiwasan ang pagkakaroon ng pag-aaway at hindi pagkakasundo.
Pang-apat COURTESY. Ang pagbibigay-galang hindi inaani kundi ibinibigay. Kadikit din nito ang respeto sa bawat isa na lalong makapgpapatibay sa samahan. Kahit na hindi kayo ang magiging magkapalagayan pagdating ng panahon, hindi magiging masakit sa 'yo ito dahil ang ibinigay mong respeto ay sapat na upang igalang ka. Kasam na din dito ang paggalang sa magulang, relihiyon, bansa at sa lahaty ng tao. Kapag nirespeto ka ng lalaking mahal mo, magpasalamat ka dahil ito ay mahalaga sa inyong relasyon.
Panglima, EXCELLENCE. Mas lalong hahangaan ang isang lalaki kung nagpapakita ito ng pagsisikap at pagpupursigi sa isang bagay. Lahat ng babae ay hinahangad ang lalaking may pangarap para sa kanilang relasyon... kaya nga siya nagpupursigi sa trabaho o kaya ay nagsisikap mag-aral. Medyo mahirap lang ito sa simula dahil baka isipin ng iba na nagpapasikat ka lang pero tandaan mo na kung walang tiyaga, walang tinola (ay, nilaga pala).
At ang pang-anim, UNITY. Ang isang relasyon ay hindi magiging ayos kung isa lang ang gagawa ng paraan. Sa isang kabalyero, mahalag ang kanyang kabiyak dahil itinuturing niya na kapantay niya ito. Kaya nga ang asawa ng isang knight ay may katagang "Lady" sa unahan ng kanyang pangalan dahil sumusimbulo ito sa pagkakaroon ng pantay na estado. Sa isang relasyon, hindi laging isa lang ang masusunod. Dapat ay kayong dalawa. Kapag kayong dalawa ay nagtutulungan, maituturing ito na pagkakaisa niyong dalawa.
Sa panahon ngayon, "endangered species" na ang ganitong mga klaseng lalaki (Aba! Endangered na pala ako!). Ngunit tandaan niyo (lalo na sa mga girls) na likas sa mga lalaki ang maging kabalyero. Huwag kayong mawalang ng pag-asa. Kailangan lang nila ng panahon upang mahanap ang kanilang sarili. Gantio talaga ang totoong "Rites of Passage" ng isang lalaki - ang mhanap ng lalaki kung ano ang tunay na gusto niyang gawin at ang mga dapat gawin para sa taong mahal niya at sa ikabubuti ng lahat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment