Sunday, May 2, 2010
Epiko 10: “Hindi Araw-Araw ay Pasko”
Hindi ako makapaniwala nang bigyan ng standing ovation si Jovit Baldovino ng mga judges at manonood sa Pilipinas Got Talent noong Sabado. Ang inaakala kong simpleng tao na may talento sa pagkanta ay hahakot ng papuri at paggalang sa mga manonood. Mula nang nauso ang reality talent show sa telebisyon, napakaraming Pilipino ang nangahas na pasukin ang butas ng karayom ng pagiging sikat at makilala sa buong daigdig. Isa lamang si Jovit sa mga Pilipinong sumubok sa sugal ng buhay.
Sugal ng buhay…
Paano ko ba ito isasalarawan?
Sa sugal kasi, kailangan mong pumusta at makipagsapalaran. Hindi kasi ito tulad ng isang simpleng laro na okay lang kung manalo o matalo. Sa isang sugal, mayroon kang pinanghahawakan na isang bagay na mahalaga sa ‘yo na kailangang isakripisyo mo. Ngunit wala itong katiyakan kung magwawagi ka o hindi.
Iba-iba ang isinusugal ng tao – kayamanan, mga mahalagang tao, pangarap at oportunidad. Minsan, masakit ito para sa kanilang gawin pero dahil sa tawag ng tungkulin o dahil sa isang hindi maipaliwanag na sitwasyon, nagagawa nila ito dahil wala na silang makitang paraan o solusyon. Sa huli, walang katiyakan kung magtatagumpay ba sila o hindi sa kanilang desisyon.
Hindi madali ang isugal ang mahahalagang bagay sa isang tao lalo na kung napakaimportante ng kanyang isusuko. Tulad na lang ng mga tumataya sa lotto o kaya sumasali sa mga patimpalak. Ay kanya-kanya silang dahilan kung bakit sila sumusugal. Kung ano man ang pakay nila ay hindi natin alam. Pero ang totoo niyan, mayroon silang lakas ng loob para harapin ang kung ano man ang kapalaran na naghihintay sa kanya.
Likas sa tao ang makipagsapalaran sa buhay dahil naninwala siya sa pagbabago. Kung hindi nangahas si Magellan na manguna sa ekspedisyon eh di sana hindi niya matatagpuan ang Pilipinas. Kung hindi nakipagsapalaran ang cosmonaut na si Yuri Gagarin na makapunta sa kalawakan eh di sana walang taong nangahas na alamin ang misteryong nakabalot sa kalawakan. Tulad din ng mga kilala nating sikat na artista na sumikat dahil nanalo sa isang patimpalak, naroon sa puso nila ang pag-asa na may mabago at mapatunayan sila sa sarili kahit ang kapalit nito ay isang mahirap na desisyon o bagay.
Pag-asa… Swerte…
Iyan ang mga salitang kadikit ng sugal ng buhay.
Ngunit may kasabihan din sa sugal na “Hindi araw-araw ay Pasko.” Hindi lahat ay pinapalad na maging matagumpay sa sugal ng buhay.
Isang halimbawa ay an gating mga kapatid na OFW na nakipagsapalaran sa ibang bansa upang magkaroon ng maayos na buhay sa kanilang sarili at pamilya. Alam natin ang pinagdaanan nila bago sila makaalis sa bansa. Ngunit sa kasamaang palad, hindi lahat ay umuuwing tagumpay. Ang iba, inabuso ng employer o di kaya ay namatay dahil naaksidente o pinatay. Masakit ito hindi lang sa sumugal kundi ang mga taong umaasa at nagsakripisyo para sa kanila upang makapunta sa ibang bansa.
Nakalungkot dahil nasayang lang anglahat.
Pero tulad sa isang sugal, kailangang mong bumawi at maniwala na mananalo ka uli. Kapag alam mo na panalo ka na, kailangang maging matalino ka at mag-isip. Hindi naman sa masamang umayaw sa sugal ng buhay pero dapat isipin mo din ang limitasyon mo nang sa ganun eh wala kang pagsisihan. Kung baga sa sugal eh “bawi lang ang puhunanan mo.”
Ang bawat isa sa atin ay may nakakaranas ng sugal ng buhay. Dapat lang nating tandaan na hindi natin hawak ang swerte sa larangang ito. Hindi sapat ang lakas ng loob sa sugal ng buhay. Tamang desisyon, tiwala sa sarili, maluwag na pagtanggap ng kabiguan at hindi kawalan ng pag-asa ang sikreto upang manalo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Bilib talaga ako dun kay Jovit. Kung ako nasa kalagayan niya, hanggang ngayon siguro, hindi ko pa rin malulubos maisip kung paanong sa loob lamang ng marahil wala pang 15 minuto ay nagbago ang buhay ko.
ReplyDelete