Thursday, May 13, 2010
Epiko 19: “Tama Ba Kung Bugahan Ko ng Usok ng Sigarilyo ang Isang Babaeng Broken Hearted?”
May isa uli akong ikukuwento sa ‘yo…
Habang naglalakad ako sa isang parke upang magpahangin ay may nakita akong isang taong nakaupo sa swing sa may palaruan. Nilapitan ko siya. Laking gulat ko na ang nakaupo doon ay isang babae na tulala at lumuluha. Nang paalis na ako ay bigla niya akong pinigilan.
“Gusto mo bang marinig ang kwento ko?” tanong niya sa akin na aking ikinagulat. Pumayag ako at umupo sa isang swing na nasa tabi niya.
Para hindi humaba ang isusulat ko, ibinuod ko ito para mas madali mong maintindihan ang kwento niya
Si Cielo ay isang taong masayahin. Punong-puno siya ng pag-asa sa buhay. Sa murang edad ay pumanaw ang kanyang ama na tangi niyang sandalan. Nang nagpasyang mag-asawa uli ang kanyang ina, hindi ito naging madali sa kanya. Kasama ang kanyang dalawang kapatid, pinilit nilang mabuhay na sabik sa pagmamahal ng isang ama.
Hindi niya ikinuwento ang buong kabataan niya. Dumaretso kami sa isang paksa na nagpatayo sa mga balahibo ko
Ikinuwento niya sa akin si Jun – ang kanyang kasintahan. Matalino siya at masipag sa pag-aaral. Nang magkakilala sila sa kolehiyo ay nagkagusto na siya agad dito. Ngunit pinigilan niya ang kanyang nararamdaman dahil may asawa na ito. Ngunit tila mapaglaro ang tadhana sa kanila dahil pilit silang pinaglalapit nito. Naging mabuti silang magkaibigan. Nagkaroon sila ng sulatan araw-araw sa isang notebook. Masaya siya kahit sa ganitong paraan.
Hanggang sa hindi napigilan ang dalawa ang itinatago nilang damdamin at magkaroon ng isang lihim na relasyon.
Matagal nila itong itinago. Patago silang magkita sa isang lugar na kung saan walang nakakaalam. Sa bawat sandaling magkasama sila ay sinusulit nila ang oras upang maipadama kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. Bukod pa dito ay nagtutulungan sila sa kanilang aralin. Hindi siya pinabayaan ng lalaki. Mahal na mahal siya nito… kahit alam niyang niloloko nito ang asawa niya ay ayos lang. Ang mahalaga ay magkasama sila at nagmamahalan. Ngunit sa paglipas ng buwan at taon ay unti-unting lumiliit ang mundo nila. Unti-unting nalalantad ang estado nila sa kanilang pamilya at kaibigan.
Hanggang sa dumating ang panahon na ikinatatakot niya – ang madiskubre ito ng mga kaklase niya.
Pinilit niyang talikuran si Jun dahil tinakot siya ng mga kaklase niya na kung hindi niya ito hihiwalayan ay lalabas ang katotohanan. Ginawa niya ito. Hinabol siya ng lalaki para magpaliwanang ngunit hindi niya ito masabi sa kanya dahil masasaktan lang ito. Gumawa siya ng iba’t-ibang paraan para kamuhian at magalit si Jun sa kanya. Nabuo sa isip ko ang naramdaman ng lalaki. Sobarang sakit ito sa kanya. Ang dahilan ni Cielo – gusto niyang protektahan si Jun laban sa mga taong gustong pabagsakin siya.
Ngunit sa kanyang ginawa ay hindi siya makatulog at makakain ng ayos. Hindi din siya makapag-aral ng mabuti. Sa tuwing nag-iisa siya ay hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na maalala ang kanilang masasayang nakaraan. Palagi siyang umiiyak ng patago. Kahit gusto niyang balikan ang taong pinakamamahal niya ay natatakot siya dahil napalitan na ito ng poot at pagka-dismaya sa ginawa niya.
Nang matapos niya itong ikwento, lalo siyang humagulgol. Naramdaman ko ang hirap na pinagdadaanan niya. Hindi madali ang ginawa niya. Pakiramdam ko kung ako ‘yung lalaki ay maaawa ako sa kanya.
“Nasaan na yung lalaki ngayon?” tanong ko sa kanya.
“Patay na siya… Pinatay ko siya.” tugon niya sa akin. Napag-alaman ko na si Jun ay natanggap na ang katotohanan at nabubuhay na ng tahimik. Bagama’t hiwalay na ito sa kanyang asawa, pinili niyang maging mag-isa at kalimutan ang mga nangyari… na kabaligtaran ng nararamdaman ni Cielo.
“Ikaw pala ang may kasalanan eh! Hindi ka kasi nag-iisip!” wika ko sa kanya na may mataas na boses. Tumingin siya sa akin na tila nagtatanong at naguguluhan sa reaksiyon ko. Siguro akala niya na makikisimpatya ako sa ginawa niya pero nagkakamali siya.
“Kasalanan ko ang nangyari pero bakit parang hindi ka sang-ayon sa ginawa ko?”
“Talagang hindi!” wika ko. “Hindi mo siya binigyan ng pagkakataon para maayos ang lahat. Sinarili mo ang problema niyo at tinalikuran mo siya. Wala nang sasakit pa sa ginawa mo. Kaya huwag kang magtaka kung hanggang ngayon ay bitter ka pa din sa mga nangyayari.”
Natigilan ang babae.
Muli ko siyang tinanong. “Siya ba ang taong makapagpapasaya sa ‘yo?”
Hindi niya ito sinagot.
“Kung hindi mo kilala ang taong makapagpapasaya sa ‘yo, kailanman ay hindi ka magiging maligaya. Kung nakita mo na siya, huwag mo siyang pakawalan… dahil kahit anong oras ay pwede siyang mawala sa ‘yo at hindi na makita habambuhay.” sabi ko sa kanya habang sinisindihan ang sigarilyong kulubot na sa pagkaipit sa bulsa.
“Pero…” wika niya na agad kong binara
“Wala nang pero-pero kung kaligayahan mo ang nakataya dito. Ganito naman talaga sa mundo. Kapag sumaya tayo ay may malulungkot at kapag nalungkot tayo ay may sasaya. Kung hindi mo alam kung ano ang makakapgpasaya sa ‘yo, paano ka makapagpapasaya sa iba? Sa ginawa mong pag-iwan kay Jun, magiging miserable ang buhay mo dahil hindi mo siya ipinaglaban tulad ng ginawa niya sa ‘yo. Natakot kang sumugal pero siya eh hindi. Iyon ay dahil alam niya na ikaw lang mag makapagpapasaya sa kanya. Ngunit binalewala mo. Mas pinili mo ang ibang tao. Pero nasaan na ang mga pinili mo? Kasama mo ba sila ngayon? Napasaya mo nga sila pero ikaw ang nagdudusa.”
Tumayo ako sa harapan niya at binugahan ko ng sigarilyo sa mukha. Nasilam ang kanyang mata at inubo. ‘Bakit mo ginawa ‘yon?” galit nag alit niyang wika sa akin.
“Binigyan lang kita ng simpleng demonstration sa ginawa mo kay Jun. hindi niya ba sinabi sa ‘yo ang “Bakit mo ginawa ‘yon” nang tinalikuran mo siya? Hindi kasagutan ang hinihingi niya sa ‘yo kundi ang sinseridad at katapatan mo na magsasabi ka ng totoo. Pero hindi mo ‘yon ginawa. Nagsinungaling ka at labis niya ito dinamdam. Tama ba ako?”
Tumango ang babae.
“Ngayon, paano kung hindi ko sabihin sa ‘yo ang dahilan kung bakit kita binugahan ng usok. Mag-iisip ka ng masama sa akin lalo na dahil estranghero lang ako…”
Naubos na ang sigarilyo ko. Nang binitawan ko ang upos at nalaglag sa lupa ay tinapakan ko ito hanggang sa mawala ang baga nito. “Ganito ang ginawa mo kay Jun. Sinira mo ang munting pag-asa sa puso niya. Ngunit imbes na irespeto siya ay tinapak-tapakan mo ang kanyang damdamin dahil sa pagsisinungaling mo sa kanya. Ngayon, ano na ang dapat mong gawin?”
“Ano?”
Kumuha ako ng panibagong sigarilyo at sinindihan. “Hindi pa huli ang lahat. Kaya mong magsimula ng bagong yugto ng buhay kasama siya. Pero hindi ko alam kung magiging tulad pa din kayo ng dati. Para sa akin, mahal ka pa din niya. Ang kailangan mo lang gawin ay humingi ng tawad. Maniwala ka sa akin, baka higit pa sa dati ang mangyari sa inyo…” at nagsimula na akong humakbang palayo sa kanya. Nagpasya na akong iwan siya. Dahil baka hindi ko na makontrol ang mga sasabihin ko.
“Teka, sino ka ba?” tanong niya sa akin habang hinahabol ako.
“Sabihin na natin na isa din ako sa mga kauri ni Jun na sinaktan mo…” natigilan ang babae. At nang lumakad ako palayo sa kanya ay nakahinga ako ng malalim at nakangiti ng totoo habang naglalakad na nakatingin sa langit.
Noong mga oras na 'yon, napakagaan ng pakiramdam ko.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment