Sunday, May 30, 2010

Epiko 26: "Sa Piling ni Bachi"



Wala akong hilig sa aso. Ang totoo niyan, mas gusto ko ang pusa dahil maamo ito at malinis. Ngunit nag-iba ang lahat ng dumating si Bachi sa buhay ko tatlong buwan na ang nakakaraan. Isa siyang Black Labrador galing sa isang kaibigan ng tatay ko. Noong una ko siyang makita ay kasinglaki lang siya ng daga na nakikita sa pusali. Kakaiba sa lahat ng mga aso, hnidi siya maingay noong unang gabi. Madali siyang pakainin at parang hindi nagrereklamo sa paligid. Nang magkasakit siyadahil sa Parvovirus ay talaga namang nanlumo ang buong pamilya namin. Buti na lang at gumaling siya. Salamat sa mga tulong ng mga brods at sisses ko na beterinaryo.

Kumpara sa mga asong dumating sa buhay namin, kakaiba siya. Pakiramdam ko ay may kasama akong bata sa bahay - makulit, mahilig maglaro at maamo. kapag malungkot ako, nandyan siya para magpasaya sa akin. Kahit anong init ng ulo ko, napapakalma niya ako sa paraan na para akong may kaharap na anak.

Ayon sa pag-aaral ng mga psychologists at mga behaviorists sa iba't-ibang unibersidad at reseach centers, malaki ang naitutulong ng isang alagang hayop sa isang tahanan o sa isang tao. Nagbibigay buhay ito sa mga taong malulungkot at nawawala ang tensyon at stress ng isang tao. Kahit anong klaseng hayop pa ito, ibang kaligayahan ang naibibigay nito na hindi kayang ibigay ng isang tao. Nakakatuwang panoorin at pakinggan ang mga karanasan ng mga tao sa kanilang mga alaga. Kung minsan nga eh masyadong ma-drama ang istorya nila.

Nakaklungkot lang isipin na kung minsan ay ang mga alagang hayop natin ay may kapalaran din. Kahit na namamatay sila, hindi pa din tayo sumusuko na sumubok mag-alaga ng bago dahil ito ay normal na gawi ng tao. Kahit sino naman ay gusto ng alagang hayop.

Ang problema lang, hindi natin alam kung paano.

Isa sa mga maipapayo ko sa mga gustong mag-alaga ng hayop ay ituring silang isang kasama sa bahay. Hindi naman natin naiiwasan na masaktan sila lalo na kapag nginatngat ang paborito nating sapatos o kaya ay ikinalat nito ang basura sa trash can. Dito masusukat ang ating pagiging pasensyoso at pag-intindi sa mga ikinikilos nila. Sa karanasan ko kay Bachi, itinuturing ko siyang isang anak o kapatid. Kinakausap ko siya kahit na alam kong hindi niya ako naiintindihan. Pero malaki ang epekto nito sa akin dahil nailalabas ko ang aking nararamdaman.

Ikalawa, alagaan mo ang ang kanilang kalusugan. Tulad natin, may buhay din sila at nasasaktan din kapag may nararamdamang masama. Kung may kakilala tayong beterinaryo o taong may alam pagdating sa kalusugan ay magtanong tayo nang mga bagay na ikabubuti ng ating mga alaga. Para din ito sa kabutihan nila.

At ang huli, mahalin natin sila at ibigay ang gusto nila nang sa ganun ay wala tayong maging pagkukulang sa kanila. Bigyan natin sila ng oras at panahon na kung saan makakasama natin sila. Tinutulungan nila tayo sa paraan na hindi natin nararamdaman kaagad-agad. Suklian natin ang ginagawa nila sa atin. Huwag natin silang saktan o abusuhin.

Hindi ko alam kung gaano katagal ko makakasama asi Bachi. Pero hangga't kasama ko siya, ibibigay ko sa kanya ang kanyang pangangailangan dahil ibinigay niya sa akin ang isang bagay na hindi kayang ibigay ng tao - ang maging mapagmahal at magbigay halaga sa mga nilalang dito sa mundo.

No comments:

Post a Comment