Monday, May 3, 2010

Epiko 12: ‘Tres Libras”



Muli ay may ikukwento ako sa ‘yo…

Habang nag-iisip ako ng isusulat ngayon ay biglang tumawag sa akin ang isa kong kaibigan. Gusto daw niya akong makausap. Pumayag naman ako dahil mahigit tatlong taon na kaming hindi nagkikita. Nang makarating ako sa kanila, naghihintay na ang isang case na Red Horse Beer, dalawang kaha ng Marlboro Black at dalawang litsong manok.

Mukhang alam ko na ang dahilan kug bakit.

Pagakatapos naming magkamustahan tungkol sa buhay-buhay namin, nagsimula na siyang magbukas ng pakay niya kung bakit niya ako pinapunta.

Tulad ng inaasahan ko, may malaking problema ang kaibigan ko.

Ikinuwento niya sa akin ang isang kakaiba at magulong love story. Ganito ‘yun:

Sa halos anim na taon na pagsasama nila ng kanyang asawa, nakatali pa din siya sa isang mapait na nakaraan – mayroon siyang itinuturing na best friend na babae simula pa noong pagkabata. Nang makagraduate sila ng college ay nagkatuluyan sila. Kaso sa hindi sinasadyang pagkakataon, nakabuntis ang kaibigan ko at bigla silang ipinakasal. Nasaktan nang mabuti ang best friend niya. Ang kanyang pinagsisisihan ay hindi siyanakahingi ng tawad. Hanggang ngayon, hindi pa ito nalalaman ng kanyang asawa dahil hindi na ito mahalaga. Kaya hanggang ngayon ay bitter pa din siya.

Lumipas ang mga panahon kasama ang kanyang asawa. Sa hirap at ginhawa ay sinamahan niya ito. Nagsimula siyang muli kahit nahihirapan siya. Sabi ng kaibigan ko, ito lang ang tanging paraan upang pagbayaran ang ginawa niyang panloloko sa kanyang bestfriend turned girlfriend na iniwan niya. Ngunit hindi ‘yun ang nangyari, ang akala niyang mapapabuti ang binubuo niyang pamilya ay hindi niya magawa. Ito ay sa kadahilanang mga bata pa sila noong ikinasal. Palagi silang nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Nawalan siya ng kalayaan na gawin ang gusto niya.

Hanggang sa dumating ang isang tao sa buhay niya. Sa paglalarawan ng kaibigan ko, hindi ito nalalayo sa ugali at itsura ng dati niyang besfriend. Hindi naglaon ay naging magkaibigan sila. Nakita niya muli ag isang bestfriend sa katauhan ng kanyang bagong kaibigan.

Hanggang sa magkahulugan sila ng loob at nagkaroon ng bawal na relasyon.

Alam ng kanyang querida ang katotohanan na may asawa na ang kaibigan ko. Inilihim nila ito.

Ngunit talagang walang sikreto na hindi nabubunyag…

Nagpasya ang babae na makipaghiwalay sa kanya. Hindi ito matanggap ng kaibigan ko. Ang pangako kasi ng kaibigan ko sa kanya ay hihiwalayan niya ang asawa niya. Ngunit gumawa ang babae ng paraan upang malayo siya sa kaibigan ko. Gumamit siya ng mga iba’t-ibang dahilan upang hindi sila magkita hanggang sa nagdesisyon na talaga ang querida niya na humiwalay na nag tuluyan.

Kitang-kita ko sa mukha ng kaibigan ko ang sobrang paghihirap ng kalooban. Mahal na mahal niya ang querida niya ngunit iniwan siya.

Subalit ang asawa niya ay walang alam sa nangyayari.

Tinanong niya ako. “Pare, anong dapat kong gawin?”

Natigilan ako. Natigilan ako sa pag-inom ng alak at naphithit sa sigarilyo na halos kalhati ang nasunog. Nang ilabas ko ang makapal na usok sa aking bibig, napapikit ako… ang totoo, hindi ko alam kung ano ang isasagot ko.

Hinayaan ko siyang umiyak at ibuhos ang sama ng loob. Buti na lang at hindi siya nagbasag ng bote na palagi niyang ginagawa kapag problemado at lasing. Sa mga oras na ‘yon, puno ng katahimikan ang buong paligid.

Pero may nabuo nang sagot sa aking isipan.

Sa mundo mundo, hindi lahat ng gusto natin ay ating nakukuha. Kahit anong pilit natin, kung hindi talaga uukol, hindi bubukol. Ang lahat ng pangyayari ay nag-ugat sa nakaraan. Kung ano ang ginawa niya sa bestfriend na naging girlfriend niya ay ginawa din sa kanya ng querida niya. Ang paliwanag doon? “History repeats itself and this might happen to you…” Sana sa una pa lang ang itinuwid na niya ang pagkakamali niya… na hindi siya nagpatalo sa tukso at bugso ng damdamin. Sa simula pa lang sana ay ipinaglaban na niya kung sino ang dpat niyang piliin. Alam ko na hindi madali ‘yun.

Pero anoon talaga eh… “Nasa huli ang pagsisisi…” Ang dapat niyang isispin ay kung paano siya babangon at magsisimula muli… kasama ang kanyang pinanindigan makasama habambuhay.

Hindi ko ito sinabi sa kaibigan ko. Gusto ko ay siya mismo ang makahanap ng sagot. Ipinakita ko lang sa kanya ang mga consequences at konting paying kaibigan. Pero sa banding huli, siya ang magdedesisyon para sa ikabubuti ng lahat.

Nang umuwi ako sa amin, hindi ko naramdaman ang lasing o hilo. Ang naramdaman ko ay paano kaya kung ako ang nasa kalagayan niya. Makakaya ko kaya ‘yung sakit na nararamdaman niya ngayon? Kayak o bang lutasin at makahanap ng solusyon sa problemang ‘yon? Paano ko itatayo ang sarili ko kapag sa akin nangyari ‘yon?

Kaya nga may kasabihan na “Hindi palaging pantay ang sukat kung tatlo ang titimbangin mo.” Kailangang nating pumili ng isa at tamang desisyon para malutas ang problemang ito.

Hindi na mahalaga kung tama ba o mali ang desisyon mo. Hangga’t kaya mo itong panindigan at panghawakan ay sapat na upang masabi mo na tama ang iyong pinili.

No comments:

Post a Comment