Wednesday, May 5, 2010

Epiko 16: “Isang Alay Para sa Aking Nanay”



Kilala ang “Pieta” ni Michelangelo na isa sa mga maganda at makahulugang produkto ng sining sa panahon ng Renaissance sa Europa. Nagpapakita ito ng paghihirap at pagdadalamhati ni Maria sa kanyang anak na si Jesus na ipinako sa krus. Simpleng lang ang pagkakagawa dito ngunit napakalalim ng pakahulugan at mensahe nito para sa tao – wala nang hihigit pa sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak.

Noong bata pa ako (hanggnag ngayon), ay malapit na ako sa aking ina. Kahit sa sinasabi na “Mama’s boy” ako ng mga kaibigan ko, hindi ko ito ikinahiya. Sa bawat pagsubok, tagumpay at kasawian, hindi nawawala sa eksena ang nanay ko na walang sawang sumusuporta at tumutulong sa akin.

Pero may isang pangyayari na sinubok ako kung gaano ko kamahal ang aking ina.

Noong panahon na nakabuntis ako, nakita ko kung gaano nahirapan at nasaktan ang magulang ko sa ginawa ko. Sa mga panahon na ‘yon ay nag-aaral pa ako at kakakasal lang ng kuya ko, nakita ko sa mata niya ang kawalan ng pag-asa at panghihinayang sa akin. Hnaggang sa mga panahon na iharap ako sa altar kasama ng mapapangasawa ko, hindi mapigil ang pagluha niya na tila isang baril na tumatama sa akin at hindi nauubusan ng bala. Wal siyang sinabi sa akin kahit isang salita. Ngunit ang kanyang mukha ay sapat na upang maintindihan ko ang tunay niyang nararamdaman.

Mahirap ang buhay noong mga panahon na ‘yon. Habang pinagmamasadan ko ang asawa ko na hinihimas ang kanyang sinapupunan, napaisip ako kung ano ba ang pakiramdam ng isang ina na dinadala ang isang bata sa kanyang katawan. Siguro ganito din ang pakiramdam ng nanay ko noong nasa sinapupunan pa lang niya ako – masaya siya ngunit takot sa mga pwedeng panganib na kanyang makaharap kapag iluluwal na niya ang bat.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon, hindi pinalad na mabuhay ang anak naming. Sa loob ng anim na buwan sa sinapupunan, hindi kinaya ito kinaya ng asawa ko dahil sa kanyang sakit sa puso at atay. Nang binigyan ako ng pagkakataon na makita ang bata, nanlumo ako. Kitang-kita ko kung paano unti-unting binawian ang anak ko sa aking harapan.

Ano pa kaya kung nakita mismo ito ng asawa ko?

Sa isang ina, mahirap tanggapin ang pagpanaw ng isang anak. Alam kong masakit din sa akin ang nangyari. Ngunit mas matindi pa ang naramdaman ng asawa ko sa akin. Tulad ng nasa “Pieta,” napakasakit kay Maria ang makitang nahihirapan hanggang sa mamatay si Cristo sa krus. Hindi ko na nasabi agad sa kanya ang buong nangyari. Sapat na ang luha naming ibinigay sa isa’t-isa upang maunawaan ang isa sa mga madidilim na kabanata ng buhay naming dalawa.

Hanggang sa lumapit ako kay nanay na nakaupo sa labas ng ward. Niyakap ko siya at umiyak. Pakiramdam ko ay muli akong bumalik sa pagkabata na parang inagawan ng laruan ng isang kalaro o kaya ay inagawan ng kendi. Nang nakita ako ng ina ng asawa ko ay niyakap din niya ako. Dalawang ina ang naging sandalan ko sa mga oras na ‘yon. Pakiramdam ko ay itinatayo nila akong muli pagkatapos kong madapa sa pagtakbo. Siguro mas higit pa ang sakit na nararamdaman nila kaysa sa akin.

“Anak, huwag kang panghinaan ng loob. Kailangan mong maging matatag. Huwag kang susuko. Mas matindi pa diyan ang haharapin mo sa mga darating na panahon. Nandito ako para sa ‘yo. Anak, hindi kita pababayaan.” wika ng nanay ko habang hinahaplos ang buhok ko. Nang mga oras na ‘yon, napagtanto ko na walang tutulad sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak… kahit na gaano pa kasama ang ginawang kasalanan at kabiguan nito sa kanya.

Sa ating buhay, may kinikilala tayong mga ina na nakasama natin mula sa pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Ngunit kadalasan ay nababalewala natin ang ginagawa nila para sa atin kapakanan.

May pagkakataon na nagsisinungaling tayo sa kanila. Halimbawa, ang presyo ng libro na bibilhin mo ay P300.00 ay hihingi ka ng P500.00 at di mo na ibabalik ang sukli.

May oras naman na sinasagot natin sila ng pabalang kapag pinapagalitan tayo.

Minsan, nakakalimutan nating halikan at yakapin bago magpaalam sa kanya kapag may pupuntahan tayo.

Nakakalimutan natin silang tulungan sa mga gawaing bahay kahit na wala tayong ginagawang importante.

Nahihiya tayo kapag siya ay nakikita mo na kausap ang mga classmate, kabigan o ang taong nanliligaw sa ‘yo/nililigawan mo.

At higit sa lahat nahihirapan nating sabihin na mahal na mahal natin siya…

Pero para sa ‘yo, sana maisip natin ang hirap nila habang nagddalang-tao siya sa ‘yo; sana maisip mo ang ilang gabi na hindi mo siya pinatulog dahil iyak ka ng iyak dahil basa ang lampin mo; sana naisip mo ang pagtitiyaga niya upang matuto kang maglakad; sana napahalagahan mo ang mga araw na tinuturuan kang bumasa at sumulat; sana naisip mo na para sa kabutihan mo kaya ka niya pinagsasabihan; sana pinahalagahan mo ang mga luto niya kahit hindi masarap; sana mapasalamatan mo siya sa mga tagumpay na nakamit mo.

At sana, huwag mo lang siyang pahalagahan kapag Mother’s Day.

Hindi lahat ng ina ay katulad ng ina ko. May ibang ina na kasama na ng ating Panginoon, nasa ibang bansa at nagtatrabaho at ang iba naman ay mas pinili ang kanilang sarili kaysa sa atin. Pero huwag kang magalit sa kanila. Bagkus, dapat ay maging maligaya ka. Kung hindi dahil sa kanya, wala ka sa mundong ito. At kung may kinamulatan kang ibang ina, sana’y isipin mo na ibinigay siya sa ‘yo ng Diyos upang maging ganap na tao ka. Na kahit hindi siya ang tunay mong ina, higit pa doon ang ginawa niyang sakripisyo at paghihirap dahil mahal ka niya.

Hindi ko alam kung paano ko ito tatapusin. Kulang pa ito sa ginawa sa akin ng nanay ko.

Ang tangi ko lang kayang gawin sa ngayon ay maging mabuting anak sa kanya at wala itong katumbas na materyal na bagay sa mundo.

Maligayang araw ng mga ina nanay! Salamat sa ‘yo! Mahal na mahal kita!

No comments:

Post a Comment