Friday, May 28, 2010
Epiko 25: "Isang Aral Mula sa Latigo"
Nakahawak at nakagamit ka na ba ng latigo? Malamang nakikita mo sa mga pelikula ni Indiana Jones, Zorro at iba pa na gumagamit sila ng ganitong armas. Noong una, hindi ko maisip kung gaano kasakit ang tamaan ka nito sa katawan (at sino ba ang may gusto?). Sa karamihan, sumusimbulo ito ng karahasan at pagkaalipin.
Ngunit iba ang dating nito sa akin.
Natatandaan ko nang makita ko ang isa kong brod sa fraternity na gumagamit nito na tila nagpapaputok ng baril ang tunog na nililikha. Natakot ako at namangha sa ginagawa niya. Malamang bago niya ito matutunan ay nasaktan siya o di kaya ay maraming beses na nagkamali.
Pero hindi ko inaasahan na magku-krus ang daan namin ng latigo at binago ang buhay ko.
Nang makaramdam ako ng matinding depresyon, hindi ko alam kung paano ko ito ilalabas. Parang sasabog ang ulo ko sa galit at kalungkutan. Wala akong mahanap na paraan upang labanan ito.
Hanggang sa pahiramin ako ng isa kong "sis" ng bullwhip. Sabi niya, mailalabas ko ang lahat ng nararamdaman ko sa pamamagitan nito. Ngunit pinaalalahanan niya ako na hindi ito magiging madali dahil kakambal nito ay sakit at latay.
Akala ko nagbibiro lang siya... hindi pala.
Nang una kong iwasiwas ang kanyang latigo ay tinamaan ako sa mukha. Ang sakit! Lumatay ito sa mukha ko. Ang totoo kasi niyan, hindi ako marunong gumamit nito. Nasundan pa ito ng mga latay, gasgas, sugat at hiwa. Dumating pa sa punto na hindi ko na maigalaw ang braso ko at katawan sa sobrang ngalay. Sabihin na natin na ito ay isang katangahan sa iba o pagpapahirap sa sarili dahil kahit tapos na ang Biyernes Santo ay hindi pa ako tapos magpenitensiya.
Habang ginagamot ang sarili ko, naisip ko na dapat pala eh inaral ko muna ang basic ng bullwhipping. Pinanood ko ang instructional video ni Adam Winrich - ang kilalang record holder sa iba't-ibang bullwhip category sa Guiness. Inaral ko itong mabuti. Umaga hanggang gabi ay sinikap kong makuha ang iba't-ibang basic cracks. Kahit na tuloy-tuloy pa din ang sugat, pasa at ngalay, nagsisikap pa din ako na makuha ito. "No pain no gain" ika nga.
Ngunit may malaking itinuro sa akin ang pagbu-bullwhip. Habang inaaral ko ito, bumalik sa aking gunita ang mga pagsubok na pinagdaanan at nalampasan ko. Naisip ko na lahat ng problema ay may solusyon kung gugustuhin natin itong maayos. Lahat ng pagsubok sa buhay ay sumusukat sa ating determinasyon at paninindigan. Kailangang harapin ang takot at sumubok ng mga bagong bagay na lalong magpapayaman sa ating sarili. Ang buhay pala ay tulad ng pag-aaral ng latigo. Nasasaktan tayo at doon tayo natututong mag-ingat para hindi na uli maranasan ang kamalian. Para makuha ang ating inaasam, kailangan nating pagsikapan at hindi sumuko sa hangga't hindi pa ito nakukuha.
Pasensiya, pagsisikap, determinasyon at interes ang naging pundasyon ko upang matuto ng kakatwa ngunit masakit na libangang ito.
At ang kagandahan nito ay nabawasan ang mataba kong timbang. Daig pa nito ang nag-gym ka at gumastos ng malaki
At ano ang naging bunga bukod sa sakit at hirap? Lumatay sa akin ang isang bagay na hindi ko malilimutan - ang matutong magsimulang muli at harapin ang bagong buhay. Para sa akin, ang latigo ay isang kaibigan na muling nagpaalala sa akin kung ano ang gusto at dapat kong gawin sa buhay. Hindi ko naisip na katakutan ako ng mga tao dahil marunong ako. Ginawa ko ito at tinanggap dahil ito ang naging susi upang malampasan ko ang depresyon ko.
Waaplaaak!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment