Friday, April 30, 2010
Epiko 6: “Ang Pinakamahirap na Desisyon – Ang Ipukpok ang Ulo sa Nitso”
Mayroon akong isang kwento na siguradong mapapaisip kayo…
Isang araw, nagdesisyon akong bisitahin ang puntod ng anak ko na pumanaw anim na taon na ang nakakalipas. Dala ang aking munting alay na kandila at bulaklak, hindi ko akalain na hindi pala ako nag-iisa sa lugar na ‘yon. Hindi kalayuan, isang lalaki at babae na dumaan sa likuran ko at pumunta sa isang puntod. Nang paalis na ako, naisip kong sundan ang dalawa sa hindi ko malaman na dahilan. Pumuwesto ako kung saan hindi nila ako makikita. Wala akong intensyong masama sa dalawa. Sino ba naman kasi an mangangahas na gumawa nun kundi ako lang.
Pinanood ko ang dalawa. Nagulat ako ng lumuhod ang lalaki sa harapan ng babae at umiyak. Nagsusumamo at nakikiusap siya na kung maaari ay magkabalikan sila. Ngunit matigas ang loob ng babae. Pinipilit niyang hindi magpakita ng emosyon. Humagulgol ang lalaki. Kitang-kita ko ang paghihirap ng kanyang damdamin sa mga salitang binibitawan niya. Nahabag ako. Naaawa ako sa lalaki dahil sa pelikula ko lang nakikita ang ganitong eksena.
Nagsalita na ang babae. “Ginawa ko ito para sa ikabubuti ng lahat. Ayokong mapahamak ka at masira ang mga pangarap mo sa buhay. Delikado na ang lagay natin. Kapag nalaman ng lahat na may relasyon tayo, malaking gulo ang mangyayari.” wika ng babae. Ngunit parang bingi ang lalaki na ayaw intindihin ang mga sinasabi ng babae.
“Bakit kailangan mo ako paglihiman? Bakit ka nagsinungaling sa akin? Problema natin ito? Bakit hindi mo sinabi sa akin? Wala na ba akong halaga at ikaw na lang ang nag-isip na paraan? Ang tagal kong kinimkim at itinanong sa aking sarili kung bakit kailangang humantong sa ganito ang lahat!” bulalas ng lalaki na ayaw bitawan ang binti ng babae.
“Ayoko lang na mapahamak ka… Ito lang ang tanging paraan. Nahihirapan na din naman ako. Hindi ko gusto ang mga nangyayari. Ayoko din nito.” tugon ng babae.
Natigilan ako. Mukhang may malaking problema ang dalawang ‘yon.
Paalis na sana ako ng biglang sumigaw at nagwala ang lalaki. Sinuntok niya ang pader hanggang sa magdugo ang kanyang mga kamao. “Hindi mo ako mahal! Hindi mo ako minahal! Inisip mo lang ay ang sarili mo! Ang tagal ko itong itinago! Hirap na hirap ako nang iwan mo ako ng walang malinaw na dahilan!” umiiyak na wika ng lalaki habang patuloy sa kanyang ginagawa.
Hindi na din nakapagpigil ang babae. Sinubukan niyang ihinto ang mga kamay ng duguang lalaki sa pagsuntok. Niyakap niya ito at nagsimulang umiyak. “Tama na! Tama na! Itigil mo na ‘yan! Naihihirapan na din ako sa ginagawa mo!”
“Makasarili ka! Hindi mo sinabi agad sa akin ang katotohanan sa ginawa mo! Hindi mo pinaintindi sa akin ang tunay na sitwasyon! Ang tagal kong naghirap! Napabayaan ko na ang lahat at hindi ako nagkulang sa ‘yo pero anong ginawa mo? Pinahirapan mo ang kalooban ko! Napakasama mo! Sinira mo ang lahat! Sa banding huli pala eh iiwan mo din ako! Niloko mo ako! Niloko mo ako!” galit nag alit na sabi ng lalaki.
“Ginawa ko lang ‘yun dahil mahal kita at ayokong may manakit sa ‘yo! Ako na lang ang nagdesisyon na tanggapin ang lahat dahil ito na lang ang naisip kong paraan. Ayokong masira ka! Ayokong masira ang mga pangarap mo!” at lalong humigpit ang yakap ng babae sa lalaki.
Ngunit malakas nag lalaki. Nawalan na ito ng kontrol. Paulit ulit niyang sinaktan ang sarili hanggang sa iuntog na niya ang ulo sa nitso paulit-ulit. Parang maso ang tunog nito na tinitibag ang malaki at matatag na pader sa lakas. Gusto ko mang awatin ang dalawa ay wala akong magawa. Sa ginagawa ng lalaki sa sarili, lalong bumuhos ang luha ng babae. “Tama na! Tama na!”
Hindi nakuntento ang lalaki. Kumuha siya ng bato at ipinukpok sa ulo. Naglupasay ito sa sahig na parang mababaliw. Sugatan na ang lalaki at halos duguan at madumi na ang kanyang sarili. Sa mga oras na ‘yon, hindi talaga matanggap ng lalaki ang ginawang desisyon ng dati niyang kasintahan. Muling niyakap siya ng babae “Nandito lang ako para sa ‘yo kung kailangan mo ako. Hindi ako mawawala. Mahal na mahal kita.”
“Pero paano na ngayon? Kailangan kita noon pa. Ngunit iiwan mo din ako. Paano na ang mga susunod na araw? Hindi ko na alam kung paano ko bubuuin ang sarili ko ngayong iniwan mo na ako. Ikaw ang lahat sa akin. Sana nung una pa lang eh sinabi mo na sa akin ang buong katotohanan nang sa ganun eh naintindihan ko ang lahat… nang sa ganun eh hindi ganito kasakit na halos ikamatay ko!” paliwanag ng lalaki.
Hindi ko na tinapos ang pag-uusap ng dalawa. Umalis na ako dahil ayoko nang makita ang mga susunod na nangyari.
Habang pauwi ako, napaisip ako… “Tama ba ang ginawa ng lalaki? Tama ba ang ginawa ng babae?”
Sa aking pananaw, (although hindi ko alam ang buong katotohanan sa kanila kung bakit nagkaroon ng shooting sa sementeryo at ako lang ang viewer) Pareho silang tama pero pareho silang mali.
Bakit?
Sa side ng lalaki, tama siya dahil nagsinungaling ang babae sa kanya. Gusto niyang malaman ang buong katotohanan ngunit ipinagkait ito ng babae. Dito, lubos siyang nasakatan at nahirapan ang kalooban. Sino bang gusto ang lokohin at magsinungaling ang babaeng mahal mo sa ‘yo. Pero ang mali dun ay hindi niya kailangang saktan ang sarili sa harap ng babae. Nagpapatunay lang ito na hindi mahal ng lalaki ang sarili niya… na siya mismo ang sakim dahil paano niya nagawang magmahal kung hindi niya mahal ang kanyang sarili.
Sa side ng babae, tama siya sa ginawa niya na ilayo sa kapahamakan ang lalaking mahal niya. Minsan talaga, kailangang magsakripisyo ang isang tao para sa minamahal niya… kahit masakit. Inisip din niya ang kapakanan ng nakakarami dahil ayaw niya ng gulo. Ngunit mali pa din siya sa rason na hindi niya kinausap at sinabi sa lalaki ang buong katotohanan. Siya din ang dahilan kung bakit naghuramentado ang lalaki sa kanilang pag-uusap. Hindi niya dapat itinaboy ang lalaki kundi dapat sana ay kinausap niya ito at gumawa silang dalawa ng paraan… Sinira niya ang tiwala ng lalaking mahal niya at mukhang mahihirapan na niya itong ibalik sa dati.
Sa buhay ng tao, nangyayari talaga ito. Kahit hindi eksakto tulad ng nabasa niyo, alam ko na may ganito din kayong karanasan. Ang pag-ibig ay punong-puno ng luha, pasakit, sakripisyo at paghihirap. Ito ang katotohanan na hindi natin matatakasan.
Pero ano kaya sa tingin ninyo ang ending ng dalawa? Tulad niyo, hindi ko din alam.
Pero umaasa ako na maaayos nila ang gulo sa pagitan nilang dalawa...
Epiko 5: “Sa Aking Mga Kapatid Sa Padel...”
Walong taon na ang nakakalipas nang yakapin ko ang isang kapatiran kung saan ipinagkatiwala ko ang aking buhay habang gumagawa ng butas sa karayom para pasukin. Ang buong akala ko, katapusan ko na… ‘Yun pala, nagsisimula pa lang ang matitinding pagsubok sa kabilang sulok ng VKV (Venerable Knight Veterinarians Fraternity).
Naaalala ko nang pumasok ako sa loob - isa lang akong ordinaryong estudyante kung saan wala pang direksyon ang tinatahak na karera. Marami akong tanong sa aking sarili na hinahanap sa mga panahon na ‘yon. Kasama ang tatlo sa pinakamagagaling ng estudyante ng Vet Med (at ako ang bulok na kamatis), pinasok namin ang isang mahabang lagusan ng pagiging isang kabalyero. Napakahirap. Kailangan naming magtulungan at suportahan ang bawat isa para malagpasan ang mga mahahabang gabi ng paghihirap at pagsubok. Sinukat nito ang aming determinasyon at pagkakaisa. Sa mga oras na ‘yon, unti-unti kong tinanggap at pinahalagahan ang latay ng pagmamahal sa akin ng itinuturing kong bagong pamilya. Ang akala ko, makikita ko na ang kasagutan sa tanong ko… hindi pa pala.
Nang ako ay maka-survive, nakita ko ang isang samahan na walang katulad. Sa aking pananatili sa VKV noong mga panahon na ‘yon, nakita ko ang kaayusan, katapatan at sinseridad ng bawat isa. Kahit mula kami sa iba’t-ibang lugar, para kaming nanggaling sa iisang dugo dahil sa aming iisang adhikain. Bagama’t may pagkakaton na mayroon hindi pagkakaunawaan, mabilis itong naaayos. Kasama ang VLV (Venerable Lady Veterinarians Sorority), mas nagkaroon ng matinding bigkis sa bawat isa sa amin. Pakiramdam ko ay hindi ako nag-iisa at hindi iiwan.
Ngunit dumating ang panahon upang sagutin ko ang mga katanungan na hindi ko pa nahahanap. Kahit masakit sa kalooban ko, iniwan ko sila upang hanapin ang aking sarili. Sa aking pagtahak sa iba’t-ibang daan, hindi natin maiiwasan na nadadapa, lumuluha at nahihirapan. Ngunit matibay ang aking loob. Sa mga itinuro sa akin ng VKV, hindi ko kailangang mangamba dahil alam ko na parte ito ng pagsubok ng buhay na pinili ko. Mas matindi pala ang “initiation ng totoong mundo.” Talagang kung mahina ka, hindi ka tatagal na magiging dahilan ng pagsuko mo.
Ngunit sa puso ko, nandun pa din ang mga brods at sisses ko. Sila ang naging inspirasyon ko upang tumayo uli at magpatuloy. Bagama’t hindi ko na nakikita ang iba sa kanila, alam ko na buo ang suporta nila sa akin. Mas lalo akong nagsumikap upang makapag-aral muli at ibigay ang lahat ng aking talino at galling upang umangat sa klase. Ngayong umiikot ang mundo ko malayo sa medisina, hindi ako nagsisisi dahil ang totoo, sila ang nagturo sa akin ng daan na dapat kong tahakin.
Para sa mga kapatid ko, hindi matutumbasan ng yaman sa mundo ang ginawa ninyo sa akin. Nang dahil sa inyo, hindi ko makikita ang kasagutan sa mga tanong na hinahanap ko. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa ginawa ninyo sa akin. Kahit na malayo tayo sa isa’t-isa, hindi ko kinalimutan ang mga bagay na itinuro ninyo sa akin. Salamat sa suporta na ibinigay ninyo sa akin. Alam ko na kayo din ay may hinaharap na pagsubok at problema. Kung kailangan ninyo ako, hinding-hindi ko kayo tatanggihan.
Sa mga brods at sisses na hindi ko inabutan sa Indang, alam ko na hindi niyo pa ako kilala ng lubusan. Pero nakikiusap ako sa inyo na alagaan ninyo ang bawat isa. Huwag sana kayong magkaroon ng hindi pagkakaunawaan at kung meron man, sana ay ayusin ninyo agad. Sana kaming mga wala na sa college ay tanggapin niyo pa din tulad ng isang kapatid na isang linggo mong hindi nakita. Mag-aral kayong mabuti dahil ‘yan ang susi upang kayo ay magtagumpay sa larangan na pinili niyo.
Sa mga brods at sisses na nakasama ko dati (mapa-ibang chapter man), binabati ko kayo dahil naabot niyo na ang pangarap na gusto niyong matupad. Huwag kayong mag-alala sa akin dahil malapit ko na din maabot ang pangarap ko… konti na lang. Salamat sa mga panahon na pinagsamahan natin. Hinding-hindi ko ‘yon makakalimutan. Nang dahil sa inyo, binigyan niyo ako ng pag-asang patunayan ang sarili ko sa laranagang tinahak ko. Salamat at palagi kayong nasa tabi ko kapag may problema ako.
Kay Doc Binog, sana’y nasa mabuti kang kamay kasama ang Panginoon. Sana’y gabayan mo din kami sa aming ginagawa. Miss ka na naming lahat.
Kulang pa ang mga salitang ito sa mga gusto ko pang sabihin… (kasi inip ka na dahil masyado nang madrama…) Pero sana matandaan ninyo ako sa ganitong paraan. Mahal na mahal ko kayo mga brods at sisses. Magsilbing aral sana ang mga sinabi ko sa inyo.
“Ad Majorem Dei Gloriam!”
Thursday, April 29, 2010
Epiko 4: "Punasan Mo Ang Uhog ni Totoy"
Lahat tayo ay nagdaan sa pagkabata. Alam natin ang pakiramdam ng walang inaalalang problema sa buhay – Puro laro, pagliliwaliw at pagtuklas sa mga bagay na nakapaligid sa atin. Masarap balikan ang pagkabata. Ngunit habang lumilipas ang panahon, naiintindihan at namumulat na tayo sa katotohanan sa mga bagay-bagay sa paligid. Lumalaki at lumalawak na ang ating kamalayan sa mga pangyayaring nakakaapekto sa ating pamumuhay.
Nang umuwi ang kapatid ko galing sa Abu Dhabi para makapagbakasyon, nagkaroon kami ng isang pag-uusap na hindi normal na tinatalakay sa isang ordinaryong lupon. Ikinuwento niya sa akin ang kanyang pananaw kung bakit hanggang ngayon ay hindi makabangon ang bansa natin sa kahirapan. Alam natin na likas na mayaman ang ating bansa. Isang patunay niyan ay ang kwento niya na noong nasa kalagitnaan ng ika-19 na siglo ay maraming Pilipino ang pumupunta sa Intramuros upang maglaro lamang ng golf. Alam natin na ang taong naglalaro ng golf ay masasabi mong mayaman at nakakaangat sa buhay. Pero isipin mo, maraming Pilipino ang naglalaro ng golf dati! Ibig sabihin mayaman tayo noon.
Pero bakit napunta ang bansa natin sa ganitong estado? Balikan natin ang kasaysayan…
Sa halos maraming taon, maraming dayuhan ang nahumaling, nagkainteres at sumakop sa ating bansa – Kastila, Amerikano at Hapon. Idagdag mo pa ang mga ibang nasyon na nagbigay ng matinding impluwensiya sa ating mga Pilipino. Kung ating susuriin, masasabing “damaged culture” na ang bansa natin. Bakit? Nawalan na tayo ng totoong identity bilang Pilipino. Sa ibang bansa (tulad ng Abu Dhabi, Saudi Arabia, Norway, etc.), kapag sinabing Pilipino, ang unang papasok sa isip nila ay domestic helper, alila, utusan, mababang uri ng lahi.
Papayag ka ba ng ganun na lang?
Dahil nga “damaged culture” na tayo, hindi natin alam kung paano natin itatayo ang bansa natin dahil bugbog sarado na tayo at pinagsamantalahan. Dahil dito, naging sakim tayo at iniisip na lang natin ay ang ating mga sarili. Ayaw nating magpadaig sa iba kaya nga nagkaroon tayo ng “crab mentality” dahil ang gusto natin ay kung babagsak ako, kailangang bumagsak ka din at ang iba. Ang resulta? “Cyclone Effect” na ang ibig sabihin ay lahat ng aspeto ng pamumuhay (negosyo, pulitika, sosyalisasyon, atbp) ay nahahaluan ng ganitong mentalidad na nagdudulot ng malaking pagkasira sa ating bansa.
Pero sino ba ang mas naaapektuhan nito?
Syempre, ang mga susunod na henerasyon… ang mga bata.
Nakikita na natin ang epekto ng hindi mapigilan na paghihirap ng bansa. Magpapalit-palit man tayo ng namumuno ay ganito pa din ang sitwasyon. Kaya nga hindi mapigilan ang patuloy na gustong umalis ng Pilipinas para magtrabaho… pero ang totoo, gusto nilang tumakas sa katotohanan na tayo ay lugmok na sa kahirapan.
Ano ang solusyon?
Hindi “ano” ang solusyon kundi “sino” ang solusyon?
Sino pa kundi tayo!
OO! TAYO NGA!
Paano?
Gamitin mo ang angkin talinong ipinagkaloob sa ‘yo ng Diyos. Nasa kamay ng henerasyon natin ngayon ang susi sa gusto nating pag-unlad at pagbababago. At kung hindi natin ito matapos, ipagpapatuloy ito ng mga susunod na henerasyon.
Isang halimbawa lang ay ang dati kong kasama sa boardinghouse. Narinig ko sa kanya ang salitang ito:
“Isa akong mag-aaral at balang araw (kung papalarin) ay maging isang guro. Dadating ang panahon na hahawakan ko ang mga kabataan na hilaw at inosente pa sa mga nangyayari sa lipunan. Simple lang ang gagawin ko… Sa bawat aralin na aking ituturo ay ipapakita ko din ang mundo.”
Ang lalim di ba?
Pero sa aking palagay, gusto niyang hubugin ang mga susunod na henerasyon sa mabuting landas kung saan matutulungan nila ang bansa na umunlad at magkaroon ng matatag at magandang paningin sa ibang nasyon. Kahit sa maliit na paraan at may katagalan matupad, ang kapalit nito ay permanenteng ginhawa sa bawat isa sa atin. Maihahalintulad ito sa paglilinis ng dalawang palapag na bahay. Kung lilinisin mo lang ang baba, madumi pa din kasi mayroon pang dumi na nasa itaas. Sa estado natin ngayon, ang makakapaglinis lang sa itaas ng kasalukuyang sitwasyon ay tayo at ang magtutuloy ang mga tinuruan nating kabataan.
Hindi natin kailangan iasa at isisi sa mga pulitiko at iba pang lider ang solusyon sa kahirapan. Sa murang edad pa lang, dapat ay ipamulat na natin sa mga susunod na henerasyon ang dapat nilang gawin upang umunlad hindi lang ang sarili pati na din ang bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon, edukasyon at solusyon... Hangga’t maaari, hindi dapat umaalis ang mga magagaling at matatalinong Pilipino para pumunta sa ibang bansa at magpa-alipin. Pero kung talagang wala nang pagpipilian, sana ay bumalik sila para tulungan ang bansa sa pag-asenso.
Wala pang muwang ang mga kabataan ngayon sa patuloy na mabilis na takbo ng pagbabago. Ihanda natin sila sa pamamagitan ng tamang edukasyon nang sa ganun ay hindi na nila maranasan ang sitwasyon ngayon. Huwag natin silang pabayaan. Kahit na may pagkukulang ang nakaraang henerasyon, tayo na ang humanap ng pampuno sa kakulangang ito.
Sa ngayon, ito muna ang kaya kong gawin… ang imulat ang inyong mata. Balang araw, magiging kabahagi ako ng pag-unlad na gusto kong ipamana sa aking mga anak at sa susunod na henerasyon.
Epiko 3: "Ang Apat na Klase ng Manunulat"
Bakit ba nagsusulat ang isang tao?
Mula pagkabata (sa unang tungtong sa paaralan) hanggang sa pagtanda (pagpirma ng huling testamento ng mana), isinusulat natin ang mag letra na bumubuo ng isang pangalan o kahulugan. Sa ganitong paraan, masasabi ko na may dahilan kung bakit tayo kailangang magsulat. Pero may mga bagay na hindi ko pa din lubos na maintindihan kung bakit o ano ang rason ng iba at pananaw kapag nagsusulat. Sa aking pagmamasid, nakilala ko ang apat na klase ng manunulat na nakilala ko sa may kanto malapit sa bahay namin.
Una, ang “manunulat ng buhay”. Sila ‘yung mga tao na nakikita mo na nagbabalita sa radio, telebisyon, dyaryo at internet. In short, “Media men”. Bakit ko sinabi na manunulat sila ng buhay? Marahil ipinapakita nila na totoo ang buhay ay komplikado at puno ng sorpresa na hindi natin inaasahan. Sa anyo ng balita, editoryal at kolum, mababasa natin ang kanilang kamalayan at kapangyarihan na ipakita sa tao ang "ano" ng buhay sa mundo. Kasama na dito ang pag-iisip, pagdedesisyon at higit sa lahat, maisiwalat ang katotohanan.
Pangalawa, ang “manunulat ng diwa”. Malimit itong makikita sa mga libro. Sari-saring karunungan ang iniipon nila at binubuo ito sa anyo ng isang aklat. Katakot-takot na pagsasaliksik, panayam at aplikasyon bago ito mapatunayan at mailimbag para maipamahagi ang karunungan at impormasyon. Kung tutuusin, hindi naman mahalaga kung magkano ang halaga nito. Ang importante ay kung ano ang nasa loob nito. Nakakahinayang lang dahil nababalewala sila kapag may nakakahigit na antas na diwa o kredibilidad sa kanyang ginawa. Pero hindi sila dapat balewalain dahil sila ang ugat o pundasyon ng maraming sanga ng karunungan. In short, mayroon din silang cycle na sinusunod tulad ng food chain.
Pangatlo, ang “manunulat ng imahinasyon”. Sila nang mga nasa likod ng mga palabas sa teatro, telebisyon, radio at pelikula. Ginagamit nila ang kanilang malikhain at mapaglarong imahinasyon na hinaluan ng talino upang mabigyan ng kasiyahahan ang mga tao. Hindi biro ang kanilang ginagawa. Pagdating sa pagtatalo ng ideya, nagkakaroon ng “concept overlapping” kaya mahirap ito ngunit napakasayang gawin. Upang magawang tunay ang isang kathang-isip, kailangan niyang gumamit ng mga salitang kayang kontrolin ang isip at atensyon ng iba upang siya ay sundin pati din ng kanyang obra.
At ang ikaapat, ang “manunulat ng sarili”. Sila ‘yung mga nagsusulat para sa kanila lang at wala ng iba pa. Nagsusulat lang sila dahil nasa paaralan lang o kaya ay para mapaligaya ang sarili. Sila ang mga hindi nakakaunawa sa dahilan kung bakit nagsulat ang author para sa kanya… Sila ang mga hindi marunong magpahalaga. Sila ang mga matatalino at ayaw magpadaig sa iba. Sumusulat sila para maiangat ang sarili sa iba. Mga makasarili ang mga ganitong klase ng manunulat. Pero sa kabuuan, sila ang mga humahanap ng puwang sa institusyon na kanyang ginagalawan. In short, sila ‘yung mga “masterbatory writers”.
Sa likod ng apat na manunulat, tandaan natin na ang manunulat ay nagsusulat para sa iba. Na inilalagay niya ang sarili niya sa isang tao. Kailangnang maramdaman din niya ito hanggang sa makasulat siya sa paraan na gusto niya. Higit sa lahat, hindi siya natatakot na batikusin o kwestiyonin ang kanyang talino sa larangang ito. Dahil kung hindi, wala siyang mabubuong estilo sa larangang ito…
Sige na! Magsulat ka na!
Epiko 2: “Ay! Solas ‘yon!”
Nagkita kami ng dati ko kaklase nung high school sa isang mall. Mahigit labing-isang taon kaming hindi nagkita. Kasama niya ang kanyang asawa at na nagdadalang tao. Nagkamustahan kami kahit sandali hanggang sa maghiwalay na kami ng landas.
Parang natigilan ako nang bigla kong naalala noong magkaklase pa kami. Sa loob ng klase, siya lang ang bukod tanging hindi nakikisama sa aming mga magkakalase. Palagi siyang umaalis at hindi nakikisalamuha sa amin. Tuloy, tampulan siya ng tukso at biruan. Naaawa ako sa kanya. Sinikap kong maging kaibigan niya pero natatakot akong pati ako ay tuksuhin at pagatawanan din. Sa banding huli, natakot ako kaya hinayaan ko na lang siya. Iniisip ko tuloy kung ano ang naging pakiramdam niya noong mga panahon na ‘yon.
May kasabihan nga tayo na “No man is an island” at ang batas ng commensalism at parasitism ay applicable din sa mga taong tulad natin. Lahat tayo, ayaw natin na i-reject tayo ng mga tao. Marahil ‘yon ay sa kadahilanan na likas sa tao ang makisalamuha nang sa gayon ay tanggapin siya ng lipunan. Kaya nga sinisikap ng tao na gumawa ng mabubuti dahil kung hindi, ipagtatabuyan siya ng mga tao at lipunan dahil hindi ito katanggap-tanggap.
Eh ano ba ang pakiramdam ng loner?
Kung iyong pagmamasdan, sila ‘yung kalimitang tahimik. Minsan pa nga, nakikita mo siyang parang may iniisip. Ano ang kanyang iniisip? Marahil iniisip niya kung paano makakawala sa bangungot na kanyang nararanasan ngayon. Iniisip niya na galit ang buong mundo sa kanya. Na anytime ay pwede siyang awayin o kaya saktan. Sila ‘yung mga takot pero deep inside eh may tapang silang itinatago. Masasabi ko din na disorganize ang iniisip nila dahil sa mga tao, lugar, bagay at pangyayari na gumugulo sa isip niya. In short, nagiging anti-social ang taong ‘yun.
Ngunit minsan, naisip mo ba kung ano ang pinagdadaanan nila kung bakit sila nagkaganun? Medyo mahirap yatang sagutin ‘yun. Sabi kasi ni Sissela Bok sa kanyang libro na Lying na ang mga loner daw ay mga sinungaling in nature. Kahit sabihin nila na ayos lang ang sitwasyon pero ang katotohanan ay hindi sila masaya at kampante dahil hindi ‘yun ang tunay nilang nararamdaman. Kahit saang aspeto, palaging nangingibabaw ang kasinungalingan dahil ayaw niyang tanggapin ang kaotohanan sa likod ng kanyang pag-iisa.
Ngunit may solusyon sa mga problemang ito. Kailangang ibalik lang ng taong ‘yun ang tiwala sa kanyang sarili at tanggapin ang katotohanan sa kanyang paligid.
Parang mahirap gawin di ba?
Ganito na lang… Sabihin natin na may kakilala kang ganitong klaseng tao. Siguro ang dapat mong gawin eh unti-unti mo siyang lapitan hanggang sa medyo masira mo na ang barrier na ginawa niya sa kanyang sarili. Maging kalmado ka. Huwag mong hayaang masira nag itinanim mong pagtitiwala sa kanya.
Eh paano kung ikaw mismo ‘yung loner?
Simple lang. Kung kilala mo ang sarili mo na wala kang ginagawang masama sa ibang tao, hindi mo kailangang mag-alala dahil ikaw yan eh... Pero dapat buksan mo din ang puso ma sa ibang tao. Yung parang hayaan mong kilalanin ka. Malay natin, baka ito pa ang maging daan upang makita mo ang tunay na mundo na dapat mong galawan.
Hindi habambuhay ay mag-isa tayo, sa pagtanda natin, kailangan natin ng ibang kamay para itayo at akayin tayo sa dapat nating puntahan... kaligayahan.
Epiko 1: Ang Mga Paliwanang sa Salitang “Putang Ina Mo”
Kapag naririnig mo ang salitang “Putang Ina Mo” ano ang unang pumapasok sa isip mo?
Sa mga matatanda, kapag narinig mo ang salitang ito ay talaga naman mapapasabi ka nito ng pabulong. Pakiramdam nila ay ginawan sila ng masama o kaya ay sobrang galit sa isang tao. Isang halimbawa nito ay ang kapitbahay naming probinsyano na nasa sisenta y otso ang edad. Nang malaman niyang buntis ang kanyang kaisa-isang apo na nasa edad katorse, isang malutong at umaalingawngaw na salitang ito ang gumising sa aking masarap na pagkatulog. Pero pagkatapos nito, naramdaman ko ang kanyang matinding emosyon. Hindi ko alam pero parang naramdaman ko din kung ano ang emosyon niya sa mga oras na ‘yon. Ang salitang ‘yon ay sagrado para sa mga taong galit at naghihirap ang damdamin.
Sa mga kabataan, ang salitang ito ay parang pangkaraniwan na lang. Parang kanin na hindi nawawala sa bawat sandaling may pag-uusap, pagtatalo at pagbibiruan. Ito na marahil ang isa sa mga salitang hindi agad makaklimutan dahil patuloy itong ginagamit. Kahit ang mga ibang matatanda ay ginagawa din ito. Katulad na lang ng apat na taong gulang na pamangkin ko na naunang bigkasin ang salitang ito imbes na tatay o nanay. Kahit na pigilan at sawayin mong huwag gamitin ang ipinagbabawal na salitang ‘yon ay ginagamit pa din. Paano ba naman, ang tito niya (este ako pala) ay palaging ginagamit ang salitang ‘yon.
Pero ano ba talaga ang tunay na ibig sabihin ng salitang ito?
Ayon sa diksyunaryo, ito ay isang salita na patungkol sa taong anak ng isang puta – isang pokpok, babaeng nagbebenta ng katawan o hostess para magkapera. Madaling intindihin di ba? Sino bang gusto ng tawagin ka ng anak ng puta… na anak ka sa kasalanan. Pero ngayon iba na ang pakahulugan sa salitang ito. Noong una, hindi katanggap-tanggap ang salitang ito dahil ito ay mapanirang puri at nakakinsulto sa pagkatao nang napagsabihan nito. Ngunit sa paglipas ng panahon at popularidad na gamitin ito sa pang araw-araw, ito ay naging parte na ng paraan ng ekspresyon ng tuwa, galit, takot at lungkot.
Ayon kay Laura Shapiro sa kanyang isinulat na artikulong “Guns and Dolls”, may pagkakataon na ang isang salita ay nagbabago dahil ito ay “dynamic” (Di ko alam ito sa Filipino). Kasabay ng pagtuklas ng mga bagong teknolohiya at modernisasyon, nagbabago ang kahulugan at gamit ng isang salita depende sa lugar o sitwasyon. Ito ay hindi nalalayo sa “fuck you” at samamabits (son of a bitch) ng salitang Ingles. Dahil sa nakasanayan na, parang wala na itong talab sa damdamin... pwera lang kung sincere ang nagsabi.
Pero may “Putang Ina Mo” bang may sinseridad?
Pwera lang kung sasabihin mo sa syota mo na “Putang ina mo! Mahal na mahal kita!” Magagalit ka ba o matutuwa? Para kasing ang sagwang pakinggan at maunawaan di ba?
Lahat ng bagay sa mundo (kahit salita) ay nagbabago sa paglipas ng panahon. Ang kinakailangan lang nating gawin ay sumabay sa agos nito. Ngunit sa salitang ating pinag-uusapan, marahil ay sa atin mismo magsimula kung gagamitin natin ito sa tamang paraan. Tulad ng isang kutsilyo na nagbibigay saya lang sa pagluluto, ang salitang ito ay nakakasakit at nakakasugat din ng damdamin kahit papaano… kahit di mo sinasadya.
Prologo: Meet Emong
Kamusta! Ako si Emong. Hindi na mahalaga kung ano at sino ako. Salamat nga pala sa oras na inilaan mo sa akin upang makilala ako.
Isa akong manunulat. Pero hindi tulad ng mga kilalang writers, wala pa akong nailalathala. Ang problema kasi, kapag nasimulan ko na ang isinusulat ko ay hindi ko na natatapos. Hindi ko alam pero ‘yun lang siguro ang problema ko kasi nauubusan na ako ng ideya at konsepto. Takot din akong ma-reject ang mga isinusulat ko at balewalain ng mga mambabasa. Paano ba naman kasi, isa din akong estudyante. Mahirap pagsabayin ang pag-aarala at pagsusulat. Pero ang magandang epekto nito ay nagkakaroon ka ng bagong kaalaman sa pagsusulat.
Pero may kulang pa akong dapat matutunan…
Sabi ng isang professor ko, ang pagsusulat ay nagpapakita ng kung ano talaga ang buhay. Kahit na anong porma nito at estilo, nagpapakita ito ng mga emosyon at karanasan. Noong una, naiintindihan ko ang paliwanang dito. Pero ang ilagay ang sarili mo sa karanasan ng iba ay mahirap. Mas maganda pala kung ikaw mismo ang makakaranas at makakapagpaliwanag ng emosyong nadarama mo at isulat ito sa masining na paraan.
Parang mahirap di ba? Parang gusto mong maramdaman maging presidente ng bansa pero hindi mo alam kung ano naman ang pakiramdam kung gusto mong maging astronaut o pilantropo.
Magulo di ba?
Ang mga salaysay na ibabahagi ko sa ‘yo ay hindi aktuwal na pangyayari ngunit nagyayari sa totoong buhay. Mula sa mga karanansan ng mga kaibigan, kamag-anak at mga taong nasa paligid, marahil baka maintindihan natin ang mga tanong na naglalaro sa mga isip natin. Bilang isang trying-hard na manunulat, nais kong magbahagi ng “slice of life” para sa ‘yo.
Tumawa ka, umiyak ka, magalit ka, at kung ano mang emosyon ang gusto mong ilabas ay malaya ka. Pero sana sa banding huli ay mapaisip ka, makapagmuni-muni ka at mapgtanto mo na maaaring nangyari ito sa ‘yo o kaya may posibilidad na mangyari ito sa ‘yo.
Subscribe to:
Posts (Atom)