Monday, May 31, 2010

Epiko 27: "Hindi Naman Masamang Manggaya..."




Nang napanood ko ang grupong Chippendoubles sa Britain's Got Talent, hindi ko mapigilan ang sarili ko na tumawa at matuwa sa ginawa nilang performance. Talagang nasorpresa ako sa ginawa nilang impersonation kina Ricky G, Daniel Craig, David Beckham, Mr. T., Flash Gordon, Will Smith at Simon Cowell. Lahat ay nagulat sa ginawa nila at ang mga hurado ay talaga namang walang masabi sa kanilang kakaiba ngunit katuwa-tuwang pagtatanghal.

Sa ginawa nilang panggagaya, lahat ay natuwa. Nakakasawa na kasing makita ang mga sumasali sa mga reality talent show ang pagsasayaw, pagkanta at kung ano-ano pang paulit-ulit at gasgas na pagtatanghal. Sa ginawa ng Chippendoubles, bago ito sa mata ng mga manonood at talaga namang hahanap-hanapin mo at aabangan ang susunod nilang gagawin.

Sa buhay natin, mayroon tayong mga taong ginagaya. ito ay marahil sila ang nagsisilbi nating magandang ehemplo at talagang nakaimpluwensiya sa atin. Mapa-magulang, guro, kaibigan, superhero o kahit ordinaryong tao na gumawa ng higit pa sa ating inaasahan ay nagsilbing inspirasyon sa atin at inaalalayan tayo sa ating hakbang papunta sa daan ng ating buhay.

Kahit ako din ay may ginagaya. isa na dito si Kadoya Tsukasa (o mas kilala bilang Kamen Rider Decade). Sa kanyang paglalakbay papunta sa ibat't ibang mundo ng mga riders, nakikita ko ang sarili ko na may natututunan sa mga taong kanyang nakikilala. Para sa akin, ang mga aral at sinasabi niya sa kanyang mga kaibigan at kalaban ay isang malaking aral na aking napupulot at naibabahagi sa ibang tao. Ang galing niya... kahit ang mga hairstyle at fashion sense niya ay ginaya ko din. Pero hindi ko hinangad na maging katulad niya. Para sa akin, sapat na ang mga naibabahagi niyang aral sa akin na aking nagagamit sa pang araw-araw kong pamumuhay.

Natatawa lang ako sa mga taong "trying hard" kung gumaya. Kung minsan, para na silang "xerox copy' ng ginagaya nila. May iba naman kahit hindi sinasadya ay naihahambing at napagkakamalang gumagaya sa isang tao dahil sa hitsura at kilos nito. Pakiramdam ko ay nabubuhay sila sa anino ng kanilang ginagaya o nagagaya at nawawalan sila ng sariling identity.

Hindi naman masamang manggaya. Natural lang 'yan dahil may nature tayo na mag-imitate lalo na kapag may inaaral tayong isang kanta o piyesa ng public speech ng isang kilalang tao. Pero tandaan natin na mayroon tayong sariling identity na dapat mangibabaw sa ating sarili.

At ang panggagaya ay isang hakbang upang makilala ang ating sarili at maging matagumpay.

Sunday, May 30, 2010

Epiko 26: "Sa Piling ni Bachi"



Wala akong hilig sa aso. Ang totoo niyan, mas gusto ko ang pusa dahil maamo ito at malinis. Ngunit nag-iba ang lahat ng dumating si Bachi sa buhay ko tatlong buwan na ang nakakaraan. Isa siyang Black Labrador galing sa isang kaibigan ng tatay ko. Noong una ko siyang makita ay kasinglaki lang siya ng daga na nakikita sa pusali. Kakaiba sa lahat ng mga aso, hnidi siya maingay noong unang gabi. Madali siyang pakainin at parang hindi nagrereklamo sa paligid. Nang magkasakit siyadahil sa Parvovirus ay talaga namang nanlumo ang buong pamilya namin. Buti na lang at gumaling siya. Salamat sa mga tulong ng mga brods at sisses ko na beterinaryo.

Kumpara sa mga asong dumating sa buhay namin, kakaiba siya. Pakiramdam ko ay may kasama akong bata sa bahay - makulit, mahilig maglaro at maamo. kapag malungkot ako, nandyan siya para magpasaya sa akin. Kahit anong init ng ulo ko, napapakalma niya ako sa paraan na para akong may kaharap na anak.

Ayon sa pag-aaral ng mga psychologists at mga behaviorists sa iba't-ibang unibersidad at reseach centers, malaki ang naitutulong ng isang alagang hayop sa isang tahanan o sa isang tao. Nagbibigay buhay ito sa mga taong malulungkot at nawawala ang tensyon at stress ng isang tao. Kahit anong klaseng hayop pa ito, ibang kaligayahan ang naibibigay nito na hindi kayang ibigay ng isang tao. Nakakatuwang panoorin at pakinggan ang mga karanasan ng mga tao sa kanilang mga alaga. Kung minsan nga eh masyadong ma-drama ang istorya nila.

Nakaklungkot lang isipin na kung minsan ay ang mga alagang hayop natin ay may kapalaran din. Kahit na namamatay sila, hindi pa din tayo sumusuko na sumubok mag-alaga ng bago dahil ito ay normal na gawi ng tao. Kahit sino naman ay gusto ng alagang hayop.

Ang problema lang, hindi natin alam kung paano.

Isa sa mga maipapayo ko sa mga gustong mag-alaga ng hayop ay ituring silang isang kasama sa bahay. Hindi naman natin naiiwasan na masaktan sila lalo na kapag nginatngat ang paborito nating sapatos o kaya ay ikinalat nito ang basura sa trash can. Dito masusukat ang ating pagiging pasensyoso at pag-intindi sa mga ikinikilos nila. Sa karanasan ko kay Bachi, itinuturing ko siyang isang anak o kapatid. Kinakausap ko siya kahit na alam kong hindi niya ako naiintindihan. Pero malaki ang epekto nito sa akin dahil nailalabas ko ang aking nararamdaman.

Ikalawa, alagaan mo ang ang kanilang kalusugan. Tulad natin, may buhay din sila at nasasaktan din kapag may nararamdamang masama. Kung may kakilala tayong beterinaryo o taong may alam pagdating sa kalusugan ay magtanong tayo nang mga bagay na ikabubuti ng ating mga alaga. Para din ito sa kabutihan nila.

At ang huli, mahalin natin sila at ibigay ang gusto nila nang sa ganun ay wala tayong maging pagkukulang sa kanila. Bigyan natin sila ng oras at panahon na kung saan makakasama natin sila. Tinutulungan nila tayo sa paraan na hindi natin nararamdaman kaagad-agad. Suklian natin ang ginagawa nila sa atin. Huwag natin silang saktan o abusuhin.

Hindi ko alam kung gaano katagal ko makakasama asi Bachi. Pero hangga't kasama ko siya, ibibigay ko sa kanya ang kanyang pangangailangan dahil ibinigay niya sa akin ang isang bagay na hindi kayang ibigay ng tao - ang maging mapagmahal at magbigay halaga sa mga nilalang dito sa mundo.

Friday, May 28, 2010

Epiko 25: "Isang Aral Mula sa Latigo"




Nakahawak at nakagamit ka na ba ng latigo? Malamang nakikita mo sa mga pelikula ni Indiana Jones, Zorro at iba pa na gumagamit sila ng ganitong armas. Noong una, hindi ko maisip kung gaano kasakit ang tamaan ka nito sa katawan (at sino ba ang may gusto?). Sa karamihan, sumusimbulo ito ng karahasan at pagkaalipin.

Ngunit iba ang dating nito sa akin.

Natatandaan ko nang makita ko ang isa kong brod sa fraternity na gumagamit nito na tila nagpapaputok ng baril ang tunog na nililikha. Natakot ako at namangha sa ginagawa niya. Malamang bago niya ito matutunan ay nasaktan siya o di kaya ay maraming beses na nagkamali.

Pero hindi ko inaasahan na magku-krus ang daan namin ng latigo at binago ang buhay ko.

Nang makaramdam ako ng matinding depresyon, hindi ko alam kung paano ko ito ilalabas. Parang sasabog ang ulo ko sa galit at kalungkutan. Wala akong mahanap na paraan upang labanan ito.

Hanggang sa pahiramin ako ng isa kong "sis" ng bullwhip. Sabi niya, mailalabas ko ang lahat ng nararamdaman ko sa pamamagitan nito. Ngunit pinaalalahanan niya ako na hindi ito magiging madali dahil kakambal nito ay sakit at latay.

Akala ko nagbibiro lang siya... hindi pala.

Nang una kong iwasiwas ang kanyang latigo ay tinamaan ako sa mukha. Ang sakit! Lumatay ito sa mukha ko. Ang totoo kasi niyan, hindi ako marunong gumamit nito. Nasundan pa ito ng mga latay, gasgas, sugat at hiwa. Dumating pa sa punto na hindi ko na maigalaw ang braso ko at katawan sa sobrang ngalay. Sabihin na natin na ito ay isang katangahan sa iba o pagpapahirap sa sarili dahil kahit tapos na ang Biyernes Santo ay hindi pa ako tapos magpenitensiya.

Habang ginagamot ang sarili ko, naisip ko na dapat pala eh inaral ko muna ang basic ng bullwhipping. Pinanood ko ang instructional video ni Adam Winrich - ang kilalang record holder sa iba't-ibang bullwhip category sa Guiness. Inaral ko itong mabuti. Umaga hanggang gabi ay sinikap kong makuha ang iba't-ibang basic cracks. Kahit na tuloy-tuloy pa din ang sugat, pasa at ngalay, nagsisikap pa din ako na makuha ito. "No pain no gain" ika nga.

Ngunit may malaking itinuro sa akin ang pagbu-bullwhip. Habang inaaral ko ito, bumalik sa aking gunita ang mga pagsubok na pinagdaanan at nalampasan ko. Naisip ko na lahat ng problema ay may solusyon kung gugustuhin natin itong maayos. Lahat ng pagsubok sa buhay ay sumusukat sa ating determinasyon at paninindigan. Kailangang harapin ang takot at sumubok ng mga bagong bagay na lalong magpapayaman sa ating sarili. Ang buhay pala ay tulad ng pag-aaral ng latigo. Nasasaktan tayo at doon tayo natututong mag-ingat para hindi na uli maranasan ang kamalian. Para makuha ang ating inaasam, kailangan nating pagsikapan at hindi sumuko sa hangga't hindi pa ito nakukuha.

Pasensiya, pagsisikap, determinasyon at interes ang naging pundasyon ko upang matuto ng kakatwa ngunit masakit na libangang ito.

At ang kagandahan nito ay nabawasan ang mataba kong timbang. Daig pa nito ang nag-gym ka at gumastos ng malaki

At ano ang naging bunga bukod sa sakit at hirap? Lumatay sa akin ang isang bagay na hindi ko malilimutan - ang matutong magsimulang muli at harapin ang bagong buhay. Para sa akin, ang latigo ay isang kaibigan na muling nagpaalala sa akin kung ano ang gusto at dapat kong gawin sa buhay. Hindi ko naisip na katakutan ako ng mga tao dahil marunong ako. Ginawa ko ito at tinanggap dahil ito ang naging susi upang malampasan ko ang depresyon ko.

Waaplaaak!

Thursday, May 27, 2010

Epiko 24: "Paano Bubuuin Ang Isang Basag Na Plorera?"



Napakahirap para sa atin na ibalik ang isang dating samahan na nasira. Normal lang ito dahil lahat tayo ay nasaktan sa paraan kung bakit ito nasira. Kahit nga ako ay nakaramdam din nito. Kahit gustuhin ko man ibalik ay pihadong matatagalan dahil hindi pa naghihilom ang sugat ng kahapon. Sa ganitong sitwasyon, nawala ang tiwala at nagkaroon ng agam-agam dahil sa takot na muling maulit uli ang sakit na naramdaman noon.

Isang karanasan mula sa isang kaibigan mula pagkabata ang gumising sa sa aking kamalayan kung paano muling bubuuin ang isang nasirang pagkakaibigan. Noong unang beses na mag-away kami dahil sa simpleng pikunan, nagtaka ako kung bakit bigla niya akong pinansin na parang walang nangyari. Ako pa naman ang tipong nagtatanim ng galit at sama ng loob sa isang kaaway pero iba siya... nagawa niyang kalimutan ang lahat. Simula noon ay itinuring ko siyang matalik na kaibigan dahil sa kanyang magandang pag-uugali.

Ngunit lumipas ang panahon ay nakalimot ako sa ganitong positibong pag-uugali. Kasabay ng mga taong nakilala ko mula noon hanggang ngayon ay nakita ko ang mga ugali ng iba't-ibang tao. Kung tutuusin nga eh para silang mga tinda sa palengke - iba-iba at halo-halo. Tuloy, naging maingat ako pagdating sa pakikisama sa kanila. Sa totoo lang, iba sa kanila ay naging panandaliang kaibigan lang at tinalikuran din ako dahil siguro sa hindi ko maintindihang pag-uugali ko. Aminado ako na hindi ako isang mabuting kaibigan pero para sa akin, itinuturing ko silang kayamanan dito sa mundo.

May mga nakasamaan ako ng loob... at hanggang ngayon ay hindi ko pa sila pinapansin. Maraming dahilan kung bakit nasira ang aming pagkakaibigan at walang silbi kung magtuturuan at magsisisihan kami. Ang hiling ko lang ay sana may konti pa silang puwang para sa akin upang mapatawad ako.

Sa aking pagmumuni-muni, naisip ko na ako din pala ang may dahilan kung bakit nawawala ang mga kaibigan ko. Dahil nga siguro sa ugali kong mapanghusga, mainitin ang ulo, pikon at hindi nag-iisip o padalos-dalos na desisiyon. Namamalayan ko na lang na nasasaktan ko sila at nagagalit sa akin. Para sa akin, gusto kong ayusin at baguhin ang ang sarili ko nang sa ganun eh maging maayos uli ang samahan namin.

Ngunit paano?

Ang tanong na ito ang nagsimulang hakbang ko para mapagtanto ang mga dapat kong gawin.

Dapat maging mahinahon ako. Hindi ako dapat magpadala sa mga negatibong emosyon ko. Sisikapin kong maging maunawain sa mga bagay-bagay sa paligid. "Think positive" ika nga.

Kailangan magtiwala akong muli. Paano ka magtitiwala sa iba kung wala kang tiwala sa sarili mo. Hahayaan ko silang pumasok muli sa puso ko.

Tanggapin ko din sa sarili ko na may pagkakamali ako. Hindi ko dapat isisi sa kanila ang nangyaring gulo. Dapat mapatawd nila ako ng sa gaun eh mapatawad ko din ang sarili ko.

Mamahalin ko sila. Alam kong hindi ito madali dahil nasaktan ako. Pero kung susubukan ko uli, hindi ako matututo sa mga pagkakamali ko. Ito lang ang paraan upang matanggap uli namin ang isa't-isa.

Mananatili ako sa kanila at bibigyan ng suporta at tulong. Kahit na alam ko na hindi ko maibibigay sa kanila ang gusto nila, ang mahalaga ay naroon ako at handang umalalay sa kanila.

At ang huli, kalimutan ang masaklap na nakaraan. Hindi na namin iyon babalikan dahil hindi lang kami makaka-move on sa nangyari. Magsisimula kaming muli at sisikapin na mahigitan pa ang magandang samahan na aming ginawa dati.

Sa mga nabanggit ko, ito ang ginagawa ko ngayon. Alam kong kakayanin ko ito. Mahirap ibalik ang isang may lamat na pagsasamahan at kahit pagtagpi-tagpiin ito para matakpan ay naroon pa din ang lamat. Ngunit kung sususbukan na bumuo uli ng bago. Ang lamat na 'yon ay mawawala at unti-unting mabubuo ang isang samahan na habambuhay nating itatago sa puso natin.

Darating din ang panahon na maayos ang lahat. Huwag kang mawalan ng pag-asa... hindi tayo bibigyan ng Diyos ng problema sa ibang tao kung hindi natin kaya.

Wednesday, May 26, 2010

Epiko 23: "Nasaan Na Ang Mga Kabalyero?"



Habang bumibili ako sa tindahan malapit sa amin, napansin ko na may dalawang matandang babae na nag-uusap. Pareho ko silang kapitbahay at mga matatandang dalaga. Ang isa ay nagtitinda ng puto at ang isa ay isang gurong retirado. Hindi ko sinasadyang marinig at makisali sa kanilang pinag-uusapan - ang kanilang mga naging huling kasintahan.

Sabi ng retiradong guro, naaalala niya ang kanyang kasintahang sundalo na umaakyat ng ligaw sa kanya. Napaka-maginoo daw nito at gustong-gusto ng pamilya niya. Sinusuyo niya ang kanyang mga magulan hanggang sa pumayg na magpakasal sila. Ngunit sa hindi sinasadyang pangyayari ay napatay ito sa ambush sa Batangas limampung-taon na ang nakakalipas.

Ang isa naman ay sinasabi na ang kanyang kasintahan ay hinaharana siya at sinusuyo ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na mag-igib ng tubig, pagsisibak ng panggatong at pagpapakain ng hayop. Ngunit dahil siguro naiinip ang lalaki sa kanya ay nagpasya itong magpari.

Nakakaawa naman ang dalawang matandang ito. Hanggang ngayon ay mapait pa din ang kanilang nararamdaman.

Pero nang paalis na ako, bigla nila akong tinanong ng ganito?

"Ikaw bata, paano mo napaibig ang babaeng mahal na mahal mo?" sabi ng matandang magpuputo.

Natigilan ako pansamantala. Ang totoo ay hindi ko alam kung ano ang isasagot ko.

Sa aking pananahimik bigla silang nagkwento sa isang matandang lalaki na kapitbahay namin. Sabi nila sa akin na siya na lang siguro ang natitirang lalaki sa mundo na may malaking paggalang sa mga kababaihan.

Ang tinutukoy nila ay ang Tiyo Nayong ko... isang matandang binata.

Nagpasya akong pumunta sa kanilang bahay. Bagama't hindi kami nag-uusap ng madalas ay pinaunlakan niya ako na magkwentuhan kami. Hindi ko sinasadyang tanungin siya kung bakit hindi siya nag-asawa. Sabi niya, "Hindi ito sumagi sa isip ko. Nangako ako sa isang tao na hihintayin ko siya at kapag bumalik siya ay magpapakasal kami. Ngunit nag-asawa siya ng dayuhan. Ayos lang sa akin 'yon hijo. Ang mahalaga, nagpakita ako ng respeto sa kanya hanggang sa mamatay siya sa Canada."

Napaka-gentleman talaga ng tiyuhin ko. Para siyang isang kabalyero sa panahon ng makalumang Inglatera. Noong mga panahon na 'yon, hindi lang kilala ang mga kabalyero na magaling sa pakikipaglaban at pamumuno kundi dahil sila ay maginoo, may isang salitang pinaninindigan at may malaking respeto sa mga kababaihan.

Maginooo, may salitang pinaninindigan at respeto sa kababaihan... May ganito pa bang klaseng lalaki?

Sabi ni Nancy Van Pelt sa kanyang librong "The Compleat Marriage" ("Compleat" talaga ang spelling!), ang mga kababaihan daw ay may natural na persepsyon sa isang "perpektong" lalaki. Ito daw ay katulad ng isang knight - makisig, matalino, malakas, magalang at taos pusong nagmamahal sa kanila na handang protektahan at ipaglaban siya. Kaya nga hindi kataka-takang may nabuhay na isang linya sa mga pelikula na "My knight in shining armor!" dahil sa ganitong konsepto ng pagkalalaki. Walang babae ang hindi naghangad ng ganitong klaseng tao ngunit sa paglipas ng panahon ng mga kabalyero ay unti-unti itong nawala dahil sa mga pagbabago sa pamumuhay, kultura at pag-unlad ng tao. Nawala ang values nito sa mga kalalakihan.

Ano ba itong mga katangian ng isang kabalyero na hinahanap ng isang babae? Heto ang Hierarchy of Values ng Venerable Knight Veterinartians Fraternity na kung saan ako ay kabilang din.

Una, SERVICE. Ang tinutukoy ko hindi ang pangkatawang serbisyo ng lalaki sa babae. Kailangan ang isang kabalyero ay hindi nagdadalawang isip na tumulong at maglingkod hindi lamang sa kanyang iniibig kundi sa mga taong nangangailangan ng kanyang tulong. Tulad lang ng pagbibigay ng upuan sa isang matandang nakatayo sa MRT o kaya ay pagtulong sa mga bata na tumawid sa kalsada. Pogi points ito para sa mga babae.

Pangalawa, HUMILITY. Ang kababaang loob ng isang lalaki ay isa sa mga tinitingnan ng isang babae. Sino ba ang may gusto ng mayabang na boyfriend? (baka ikaw gusto mo...) Sila ang mga tipong hindi iniisip ang sarili upang makaangat sa iba. Sila din 'yung mga taong hangga't maaari ay iniiwas ang iba sa gulo. Mahirap maging mapagkumbaba lalo na sa mga lalaking tulad namin. Pero hangga't maaari, ay magpakababa ka kahit na wala kang kasalanan. Dagdag pogi points ito dahil mararamdaman ng babae na mahalaga ka sa kanya.

Pangatlo, HONESTY. Ang pagiging matapat ay talaga namang hinahanap ng bawat babae sa isang lalaki. Ito din ang pundasyon ng pagkakaroon ng tiwala hindi lang sa iba kundi pati din sa sarili. Dahil dito, maiiwasan ang pagkakaroon ng pag-aaway at hindi pagkakasundo.

Pang-apat COURTESY. Ang pagbibigay-galang hindi inaani kundi ibinibigay. Kadikit din nito ang respeto sa bawat isa na lalong makapgpapatibay sa samahan. Kahit na hindi kayo ang magiging magkapalagayan pagdating ng panahon, hindi magiging masakit sa 'yo ito dahil ang ibinigay mong respeto ay sapat na upang igalang ka. Kasam na din dito ang paggalang sa magulang, relihiyon, bansa at sa lahaty ng tao. Kapag nirespeto ka ng lalaking mahal mo, magpasalamat ka dahil ito ay mahalaga sa inyong relasyon.

Panglima, EXCELLENCE. Mas lalong hahangaan ang isang lalaki kung nagpapakita ito ng pagsisikap at pagpupursigi sa isang bagay. Lahat ng babae ay hinahangad ang lalaking may pangarap para sa kanilang relasyon... kaya nga siya nagpupursigi sa trabaho o kaya ay nagsisikap mag-aral. Medyo mahirap lang ito sa simula dahil baka isipin ng iba na nagpapasikat ka lang pero tandaan mo na kung walang tiyaga, walang tinola (ay, nilaga pala).

At ang pang-anim, UNITY. Ang isang relasyon ay hindi magiging ayos kung isa lang ang gagawa ng paraan. Sa isang kabalyero, mahalag ang kanyang kabiyak dahil itinuturing niya na kapantay niya ito. Kaya nga ang asawa ng isang knight ay may katagang "Lady" sa unahan ng kanyang pangalan dahil sumusimbulo ito sa pagkakaroon ng pantay na estado. Sa isang relasyon, hindi laging isa lang ang masusunod. Dapat ay kayong dalawa. Kapag kayong dalawa ay nagtutulungan, maituturing ito na pagkakaisa niyong dalawa.

Sa panahon ngayon, "endangered species" na ang ganitong mga klaseng lalaki (Aba! Endangered na pala ako!). Ngunit tandaan niyo (lalo na sa mga girls) na likas sa mga lalaki ang maging kabalyero. Huwag kayong mawalang ng pag-asa. Kailangan lang nila ng panahon upang mahanap ang kanilang sarili. Gantio talaga ang totoong "Rites of Passage" ng isang lalaki - ang mhanap ng lalaki kung ano ang tunay na gusto niyang gawin at ang mga dapat gawin para sa taong mahal niya at sa ikabubuti ng lahat.

Monday, May 24, 2010

Epiko 22: “Babalu Ka Ba?”



“Walang gulong hindi naaayos sa usapang matino....”

Malamang karamihan sa atin ay napapangibabawan ng galit at poot kapag kausap natin ang isang taong nakagalit natin. Normal lang ito dahil ayon kay Dr. Gregory Fisham, isang psychologist, nangingibabaw ang ating “pride” dahil tayo ay may emosyon. Gusto natin na palagi tayong nakakaangat sa iba. Ayaw natin na matapakan ang atong dangal. Kung gagawin natin itong kasabihang kanto, ayaw natin na mauututan tayo.
Pero naranasan mo na ba ang malunok ng buo ang pride mo?
Sa aking karanasan bilang isang anak, kaibigan, kaklase at kapatid, sinisikap kong maging mapagkumbaba at gawin ang lahat ng aking makakaya upang maayos ang isang hindi pagkakaunawaan. Sino ba ang ayaw ng may kaaway o kasamaan ng loob/ subalit hindi natin maiiwasan na may magalit o mainggit sa atin kahit hindi natin alam ang kanilang rason.

Ano ang dapat mong gaawin upang maging mapagkumbaba?

Una, hindi mo kailangang tabasan ang baba mo kung mahaba. Sa totoo lang, makakatulong ang ang may babang mahaba dahil sinusuportahan nito ang iyong emosyon laban sa galit. Sa pag-aaral ng College of Psychology ng Oxford University sa mga taong may mahahabang baba, mas pasensiyoso sila at hindi mainitin ang ulo. Nagtataka nga ako sa kakatwang obserbasyon nila.

Pangalawa, maging mahinahon. Huwag mong hayaang umakyat ang init sa ulo mo. Matuto kang kontrolin ito dahil para ito sa ikakabuti mo. Mahirap pakisamahan ang taong “hard headed” dahil bingi ito sa kahit anong paliwanag ay opinyon mula sa iba. Napa-practice din naman ito kung gugustuhin mo tulad ng pag-inom ng malamig na inumin o pagsisigarilyo. Pero paalala lang sa mga taong ganito, malapit sila sa sakit sa puso.

At pangatlo, ilagay mo ang sarili mo sa sitwasyon n kausap o kaalitan mo. Huwag kang sakim. Dapat ay maintindihan mo din ang nararamdaman nila. Isa itong mabuting paraan upang magkaroon ng “harmony” o lamig sa tensyong iyong nararamdaman. Bukod pa dito, malalaman ng kausap mo na malawak ang iyong pag-unawa sa mga bagay-bagay sa mundo. Basta ipakita mo ang iyong sinseridad dahil kung hindi ay mababalewala ang lahat.
Sa mga katulad ko na walang kontrol sa galit at emosyon, isa din sa maipapayo ko ang aking sikretong formula – ang F/SC/R = Everything will be fine.

F – Focus sa inyong pinag-uusapang gulo. Iwasang makapagsalita ng masakit at ihilis ang pag-uusapan na maaring makagulo sa usapan.

SC – Stay Calm. Iwasang banggain mo ang init ng kanyang ulo kung sa ‘yo ay mainit din. Lalo lang kayong hindi magkakaunawaan na mauuwi sa bayolenteng reaksiyon at kilos.

R – Relax. Huminga ka ng malalim at gawing komportable ang sarili. Makakatulong ito upang dumaloy ng maayos ang dugo sa iyong katawan.
At ang resulta? “Everything will be fine.” Magkakaroon kayo ng maayos na usapan at pareho kayong magkakaunawaan.

Kung may kaaway ka o kaalitan, ayusin niyo na. Para din ito sa ikakatahimik ng kalooban ninyo. Mas masaya kapag kasundo mo ang lahat. Tandaan mo, “Ang nagmamataas ay pilit na ibinababa at ang nagpapakumbaba ay iniaangat.”

Monday, May 17, 2010

Epiko 21: "Ano Ang Mas Masakit: Ang Saktan Ka ng Mahal Mo o Saktan Mo Ang Taong Mahal Mo?"



Mahirap talaga mag-let go sa isang relasyon. Pero ang katotohanan na kung minsan ay itinuturing natin ang taong minahal natin ay nagiging kaaway na natin o di kaya ay nakakasamaan na ng loob. Normal lang 'yan dahil ang totoo ay naranasan ko na ito

Pero ang tanong: Ano ang mas masakit: ang saktan ka ng mahal mo o saktan mo ang taong mahal mo?

Isa itong napakahabang diskusyon lalo na sa mga mambabasang iba sa pananaw ko. Pero mas maganda kung paiksiin natin para mas madali mong maintindihan

Para sa akin, masakit ang saktan ka ng mahal mo lalo na kung wala ka namang ginawang kasalanan. Tatanungin natin sa ating sarili kung bakit at ano ang dahilan niya. Mas mahirap lalo kung hindi ka niya kakausapin at sasabihin ang tunay na dahilan.

Pero mas masakit pala ang ikaw mismo ang mananakit ng taong mahal mo. Gustuhin mo man o hindi, ang totoong masasaktan ay ang sarili mo. Kung ano man ang dahilan, isa itong malaking palaisipan.

Pero bakit ba nangyayari ang isang masakit na katotohanan tulad nito?

Sabi ni John Atkins (mas kilala bilang Ja Rule) sa kantang Always on Time, "Love is Pain." Kapag nagmahal ka, be ready for rejection. Kasabay ng pagmamahal ay masasaktan ka (kaya dapat paghandaan mo ito). Para ka kasing sumusugal sa hindi malaman kung suswertehin ka o hindi. 90% ng pagmamahal ay may kapalit na sakit at sa 'yo lang 'yon. The remaining 10% ay sa taong sinaktan mo.

Kaya kung handa kang magmahal, ihanda mo na ang sarili mong masaktan.

Tulad na lang ng isang karanasan ng isang kaibigan kong si Jamir. Nakipag-break ang girlfriend niya dahil sa hindi malaman na dahilan. Nasaktan siya (siyempre!) at itinuring niyang kaaway ang ex niya. Sa bawat pagkakataon na sila ay nagkikita ay hindi niya maiwasan ang magparinig sa babae ng masasakit na salita o di kaya ay sadyain na banggain ito at hindi humihingi ng sorry. Pero deep inside, naghihirap ang kalooban niya dahil hindi pa din niya maialis na mahal pa niya ito at kaya niya ito ginagawa sa ex niya ay para makaganti.

Yun ang hindi dapat gawin ng isang taong iniwan o sinaktan - ang maghiganti.

Simple lang ang paliwanang dito. Kapag gumanti ka, mas ipinapakita mo na hindi mo mahal ang sarili mo. Paano ka magmamahal kung hindi mo mahal ang sarili mo? Alam kong masakit pero dadating din ang panahon na ang sakit na nararamdaman mo ay tila magmamanhid sa 'yo hanggang sa wala ka nang maramdaman na sakit.

Hindi mo kailangang saktan ang mahal mo dahil gusto mong gumanti. Mas isipin mo na lang na mas nasasktan siya dahil sinaktan ka niya lalo na kung wala kang ginawang kasalanan.

Sa bandang huli, kailangang patawarin mo siya para makawala ka sa sakit na nararamdaman mo ngayon.

Maiksi lang ang akda ko ngayon. Hindi ko kailangang magpaligoy-ligoy dahil guguluhin lang nito ang isip mo.

Friday, May 14, 2010

Epiko 20: “Huwag Mong Hayaang Mag-Isa Ka Sa Kusina ng Alas Dos ng Madaling-Araw.”



Habang isinusulat ko ito, nagtataasan ang mga balahibo ko sa katawan. Malamig ang dampi ng hangin sa akin at nakakaramdam ako na hindi ako nag-iisa. Alas dos na ng madaling araw at tahimik na ang buong paligid. Nangangatal na ang mga daliri ko. Alam ko sa mga sandaling ito ay may kasama ako na hindi ko nakikita.

Marami na tayong naririnig na kwentong kababalaghan tungkol sa mga multo at espiritu na nananatili pa din dito sa ating paligid. Mapa-kwentong barbero man o kaya mga close encounter na napapanood natin sa TV, hindi kataka-taka na nagiging libangan na o kaya paksa ito sa mga usapan o palabas sa sine o kaya naisusulat. Marami na din ang mga nagsasabi na nakakita na din sila ng multo o kaya kaluluwa ng isang kamag-anak o di kilalang tao na humihingi ng tulong o kaya nanggugulo sa isang pamilya. ‘Yung iba nga ay talagang nagpapakadalubhasa dito na kung minsan ay hindi mo maintindihan kung totoo o hindi ang sinasabi nila at ito ay naghahatid ng takot lalo na sa mga mahihina ang loob.

Hati ang opinyon ng mga tao kapag ang paksa ay kung may multo ba o hindi. Kahit madami na akong nabasa tungkol sa libro na ganito ang paksa, hindi ko mapigilang matawa o mainis dahil kontra ito sa paniniwala ko na wala naman talagang multo lalo na ang mga nagsasabing nakakita sila at nakakausap ito. Para sa akin, hindi normal o weird ang mga taong ‘yon.

Hanggang sa may naranasan akong hindi ko malilimutan anim na taon na ang nakakaraan.

Isang gabi habang nagre-review ako sa aking boardinghouse sa may Kaytapos sa bayan ng Indang ay may naramdaman akong kakaiba. Tulog na ang mga kasama ko at alas dos na ng madaling araw. Nasa kusina ako noong mga oras na ‘yon nang makarinig ako nahulog na baso na gawa sa stainless sa sala. Hindi ko pinansin ito noong una. Makalipas ang limang minuto, may naririnig akong tumutuktok sa may pintuan ng kwarto ko. Tumayo ako upang tingnan kung sino ang gumagawa nito. Habang naglalakad ako papunta doon ay may naramdaman akong may tumakbo sa likuran ko na tila isang bata. Natigilan ako. Medyo kinakabahan na ako dahil unti-unti na akong nakakaramdam ng takot. Pero tumuloy pa din ako papunta sa kwarto ko.

Pagpasok ko sa loob ay nakita ko ang mga kasama ko sa kwarto na mahimbing ang pagkakatulog. Nagsimula akong magtaka sa nangyayari. Sigurado ako na may kumakatok sa pintuan kanina.

Bumalik ako sa kusina at nagsindi ng sigarilyo. Hindi mawala sa isip ko ang mga pangitain na naramdaman ko. Kabado na ako sa mga sandaling ‘yon pero hindi ko kailangang matakot dahil guni-guni ko lang ang nararamdaman ko. Nang humithit ako ng malalim sa sigarilyo at ibinuga ko, kinilabutan ako sa nakita ko – ang usok ay tila nagkaroon ng korte ng isang mukha ng matandang babae. Mukha siyang galit at parang may sinasabi. Habang napapawi ang usok ay lumalabo ang itsura nito. Napalunok ako. Parang gusto kong sumigaw pero hindi ko magawa. Kasunod nito ay ang pagpatay-sindi ng ilaw sa kusina. Ang mga kutsara at plato sa lababo ay biglang nagsigalawan. Bumukas ang gripo at tumulo ang tila kulay itim na tubig. Lumamig ang hangin at biglang bumigat ang pakiramdam ko na tila may nakapatong sa batok ko.

Hindi na maganda ang mga nangyayari sa paligid ko. Dito na ako nakaramdam ng matinding takot.

Sa mga sandaling ‘yon, nagsimula nang manginig ang buong katawan ko. Ang mga mata ko ay kung saan-saan tumitingin. Malamig na ang pawis ko at parang natatae na ako sa tensyon na aking nararamdaman. Hindi ako makakilos. Parang may nakahawak sa aking mga paa.

Maya-maya ay may isang kamay na gumagala sa aking balikat. Napakalamig nito na lalong nagpatayo sa mga balahibo ko. Nang tingnan ko ito ay buto’t balat ang mga daliri nito. Pakiramdam ko ay sumisigaw na ako ngunit walang boses ang lumalabas sa bibig ko. Naiiyak na ako at gusto kong tumakbo pero hindi ko magawa. Biglang may pumatong na baba sa aking balikat. Naramdaman ko at nakita ang isang matandang umiiyak. Puti ang kanyang buhok at kulay itim ang mata. Kulubot ang kanyang mga pisngi at tuyo ang mga labi.

“D… De… Dem… Me…Met…Ri…Rio…” Malamig at nangangatal niyang sambit sa aking tenga. Biglang nawala ang takot at kaba na nararamdaman ko. Kasunod nito ay bigla kong naramdaman na umiinit ang paligid. Nang tingnan ko siyang muli ay nagbago ang kanyang hitsura – isang mestisang dalaga ang aking katabi at nagsimulang yakapin ako. Napatungo ako. Hinayaan ko siyang gawin ang gusto niya. Hindi ko maintindihan ang kanyang sinasabi sa akin. Para kasing Latin ang ginagamit niyang lenggwahe. Kasabay nito ay parang hinihigop ang aking gunita. May mga nakita akong mga pangyayari mula sa nakaraan tulad ng may isang lalaking iniligtas ang isang babae sa pamamagitan ng pagsalo ng bala mula sa isang taong mukhang illustrado. Kasunod nito ay nakita ko ang babae na uminom ng lason at tumalon sa isang balon.

Nilakasan ko ang aking loob. Pumihit ako at hinarap ko siya ngunit nawala siya na parang bula. Parang walang nangyari pagkatapos noon. Nang tingan ko ang orasan ay alas singko y media na. Naisip ko kung ilang oras ako nanatiling nakatayo kasama siya. Hindi nagtagal ay nawalan ako ng malay.

Nang imulat ko ang aking mga mata ay nakita ko na pinaliligiran ako ng mga kasama ko sa boardinghouse. Nakahiga ako sa sahig at tila nagkakagulo sila nang nagkaroon ako ng malay. Nang nahimasmasan ako ay nagsimula na silang magtanong kung ano ang nangyari sa akin. Hindi ko sinagot ang mga tanong nila sa dahilan na hindi nila ako paniniwalaan sa naranasan ko. Ang sabi ko, baka sa sobrang atok lang at inabot ako sa sahig.

Lumipas ang isang linggo pagkatapos ng insidenteng ‘yon ay naisip kong alamin ang mga kasagutan sa nangyaring kababalaghan sa akin. Napag-alaman ko sa land lady namin na ang kinatatayuan an gaming boardinghouse ay dating balon. Sinasabi daw noong panahon ng mga Kastila ay ginawa itong tapunan ng mga bangkay ng mga Pilipinong nag-aklas.

Kung ganun, sino ‘yung matandang babae na nakita ko?

Naging isa itong malaking palaisipan sa akin. Pilit kong pagdugtung-dugtungin ang mga pangyayari ay wala akong makitang senyales o ebidensiya na nabuhay ang taong ito sa nakaraan. Tinanong ko sa land lady ko at sa mga kapitbahay namin na kung may kakilala silang ninuno nila na may pangalang Demetrio. Ngunit nabigo ako na mahanap siya.

Kahit sabihin ko na nakakita na ako ng multo ay parang ayoko pa din maniwala. Hindi ko alam kung produkto lang ito ng aking imahinasyon gawa ng sobrang pagod. Pero paano naman ang mga pangitain at naramdaman ko na hindi ko masasabing peke o scripted lang noong gabing ’yon?

Isa lang ang patunay nito – ang mundo ay punong-puno ng hiwaga at kababalaghan at ang isip natin ay napaka-makapangyarihan.. Nasa sa ‘yo kung paniniwalaan mo ito o hindi at hanapin ang kasagutan sa mga misteryong nakabalot dito.

Hindi naman masamang maniwala pero isipin mo din kung ano ang iisipin ng ibang tao sa ‘yo. Kaya kahit nakakita na ako ng multo, parang hindi pa din ako naniniwala dahil sa iisipin ng iba tungkol sa akin. Para sa akin, hindi “cool “ ang karanasang ‘yon (kahit “cool” ang naramdaman ko na nagpatayo sa balahibo ko) kundi isang aral mula sa karanansan. Mas iniisip ko ang katahimikan ng kaluluwa ng babae at itago kahit kanino ang karanasang ito.

Nasa sa ‘yo kung maniniwala ka sa akin o hindi. Paalala lang sa ‘yo - huwag mong hayaan na mag-isa ka sa kusina ng alas dos ng gabi. Mahirap na. Baka hindi mo kayanin ang mangyayari sa ‘yo.

Thursday, May 13, 2010

Epiko 19: “Tama Ba Kung Bugahan Ko ng Usok ng Sigarilyo ang Isang Babaeng Broken Hearted?”



May isa uli akong ikukuwento sa ‘yo…

Habang naglalakad ako sa isang parke upang magpahangin ay may nakita akong isang taong nakaupo sa swing sa may palaruan. Nilapitan ko siya. Laking gulat ko na ang nakaupo doon ay isang babae na tulala at lumuluha. Nang paalis na ako ay bigla niya akong pinigilan.

“Gusto mo bang marinig ang kwento ko?” tanong niya sa akin na aking ikinagulat. Pumayag ako at umupo sa isang swing na nasa tabi niya.

Para hindi humaba ang isusulat ko, ibinuod ko ito para mas madali mong maintindihan ang kwento niya

Si Cielo ay isang taong masayahin. Punong-puno siya ng pag-asa sa buhay. Sa murang edad ay pumanaw ang kanyang ama na tangi niyang sandalan. Nang nagpasyang mag-asawa uli ang kanyang ina, hindi ito naging madali sa kanya. Kasama ang kanyang dalawang kapatid, pinilit nilang mabuhay na sabik sa pagmamahal ng isang ama.

Hindi niya ikinuwento ang buong kabataan niya. Dumaretso kami sa isang paksa na nagpatayo sa mga balahibo ko

Ikinuwento niya sa akin si Jun – ang kanyang kasintahan. Matalino siya at masipag sa pag-aaral. Nang magkakilala sila sa kolehiyo ay nagkagusto na siya agad dito. Ngunit pinigilan niya ang kanyang nararamdaman dahil may asawa na ito. Ngunit tila mapaglaro ang tadhana sa kanila dahil pilit silang pinaglalapit nito. Naging mabuti silang magkaibigan. Nagkaroon sila ng sulatan araw-araw sa isang notebook. Masaya siya kahit sa ganitong paraan.

Hanggang sa hindi napigilan ang dalawa ang itinatago nilang damdamin at magkaroon ng isang lihim na relasyon.

Matagal nila itong itinago. Patago silang magkita sa isang lugar na kung saan walang nakakaalam. Sa bawat sandaling magkasama sila ay sinusulit nila ang oras upang maipadama kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. Bukod pa dito ay nagtutulungan sila sa kanilang aralin. Hindi siya pinabayaan ng lalaki. Mahal na mahal siya nito… kahit alam niyang niloloko nito ang asawa niya ay ayos lang. Ang mahalaga ay magkasama sila at nagmamahalan. Ngunit sa paglipas ng buwan at taon ay unti-unting lumiliit ang mundo nila. Unti-unting nalalantad ang estado nila sa kanilang pamilya at kaibigan.

Hanggang sa dumating ang panahon na ikinatatakot niya – ang madiskubre ito ng mga kaklase niya.

Pinilit niyang talikuran si Jun dahil tinakot siya ng mga kaklase niya na kung hindi niya ito hihiwalayan ay lalabas ang katotohanan. Ginawa niya ito. Hinabol siya ng lalaki para magpaliwanang ngunit hindi niya ito masabi sa kanya dahil masasaktan lang ito. Gumawa siya ng iba’t-ibang paraan para kamuhian at magalit si Jun sa kanya. Nabuo sa isip ko ang naramdaman ng lalaki. Sobarang sakit ito sa kanya. Ang dahilan ni Cielo – gusto niyang protektahan si Jun laban sa mga taong gustong pabagsakin siya.

Ngunit sa kanyang ginawa ay hindi siya makatulog at makakain ng ayos. Hindi din siya makapag-aral ng mabuti. Sa tuwing nag-iisa siya ay hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na maalala ang kanilang masasayang nakaraan. Palagi siyang umiiyak ng patago. Kahit gusto niyang balikan ang taong pinakamamahal niya ay natatakot siya dahil napalitan na ito ng poot at pagka-dismaya sa ginawa niya.

Nang matapos niya itong ikwento, lalo siyang humagulgol. Naramdaman ko ang hirap na pinagdadaanan niya. Hindi madali ang ginawa niya. Pakiramdam ko kung ako ‘yung lalaki ay maaawa ako sa kanya.

“Nasaan na yung lalaki ngayon?” tanong ko sa kanya.

“Patay na siya… Pinatay ko siya.” tugon niya sa akin. Napag-alaman ko na si Jun ay natanggap na ang katotohanan at nabubuhay na ng tahimik. Bagama’t hiwalay na ito sa kanyang asawa, pinili niyang maging mag-isa at kalimutan ang mga nangyari… na kabaligtaran ng nararamdaman ni Cielo.

“Ikaw pala ang may kasalanan eh! Hindi ka kasi nag-iisip!” wika ko sa kanya na may mataas na boses. Tumingin siya sa akin na tila nagtatanong at naguguluhan sa reaksiyon ko. Siguro akala niya na makikisimpatya ako sa ginawa niya pero nagkakamali siya.

“Kasalanan ko ang nangyari pero bakit parang hindi ka sang-ayon sa ginawa ko?”

“Talagang hindi!” wika ko. “Hindi mo siya binigyan ng pagkakataon para maayos ang lahat. Sinarili mo ang problema niyo at tinalikuran mo siya. Wala nang sasakit pa sa ginawa mo. Kaya huwag kang magtaka kung hanggang ngayon ay bitter ka pa din sa mga nangyayari.”

Natigilan ang babae.

Muli ko siyang tinanong. “Siya ba ang taong makapagpapasaya sa ‘yo?”

Hindi niya ito sinagot.

“Kung hindi mo kilala ang taong makapagpapasaya sa ‘yo, kailanman ay hindi ka magiging maligaya. Kung nakita mo na siya, huwag mo siyang pakawalan… dahil kahit anong oras ay pwede siyang mawala sa ‘yo at hindi na makita habambuhay.” sabi ko sa kanya habang sinisindihan ang sigarilyong kulubot na sa pagkaipit sa bulsa.


“Pero…” wika niya na agad kong binara

“Wala nang pero-pero kung kaligayahan mo ang nakataya dito. Ganito naman talaga sa mundo. Kapag sumaya tayo ay may malulungkot at kapag nalungkot tayo ay may sasaya. Kung hindi mo alam kung ano ang makakapgpasaya sa ‘yo, paano ka makapagpapasaya sa iba? Sa ginawa mong pag-iwan kay Jun, magiging miserable ang buhay mo dahil hindi mo siya ipinaglaban tulad ng ginawa niya sa ‘yo. Natakot kang sumugal pero siya eh hindi. Iyon ay dahil alam niya na ikaw lang mag makapagpapasaya sa kanya. Ngunit binalewala mo. Mas pinili mo ang ibang tao. Pero nasaan na ang mga pinili mo? Kasama mo ba sila ngayon? Napasaya mo nga sila pero ikaw ang nagdudusa.”

Tumayo ako sa harapan niya at binugahan ko ng sigarilyo sa mukha. Nasilam ang kanyang mata at inubo. ‘Bakit mo ginawa ‘yon?” galit nag alit niyang wika sa akin.

“Binigyan lang kita ng simpleng demonstration sa ginawa mo kay Jun. hindi niya ba sinabi sa ‘yo ang “Bakit mo ginawa ‘yon” nang tinalikuran mo siya? Hindi kasagutan ang hinihingi niya sa ‘yo kundi ang sinseridad at katapatan mo na magsasabi ka ng totoo. Pero hindi mo ‘yon ginawa. Nagsinungaling ka at labis niya ito dinamdam. Tama ba ako?”

Tumango ang babae.

“Ngayon, paano kung hindi ko sabihin sa ‘yo ang dahilan kung bakit kita binugahan ng usok. Mag-iisip ka ng masama sa akin lalo na dahil estranghero lang ako…”

Naubos na ang sigarilyo ko. Nang binitawan ko ang upos at nalaglag sa lupa ay tinapakan ko ito hanggang sa mawala ang baga nito. “Ganito ang ginawa mo kay Jun. Sinira mo ang munting pag-asa sa puso niya. Ngunit imbes na irespeto siya ay tinapak-tapakan mo ang kanyang damdamin dahil sa pagsisinungaling mo sa kanya. Ngayon, ano na ang dapat mong gawin?”

“Ano?”

Kumuha ako ng panibagong sigarilyo at sinindihan. “Hindi pa huli ang lahat. Kaya mong magsimula ng bagong yugto ng buhay kasama siya. Pero hindi ko alam kung magiging tulad pa din kayo ng dati. Para sa akin, mahal ka pa din niya. Ang kailangan mo lang gawin ay humingi ng tawad. Maniwala ka sa akin, baka higit pa sa dati ang mangyari sa inyo…” at nagsimula na akong humakbang palayo sa kanya. Nagpasya na akong iwan siya. Dahil baka hindi ko na makontrol ang mga sasabihin ko.

“Teka, sino ka ba?” tanong niya sa akin habang hinahabol ako.

“Sabihin na natin na isa din ako sa mga kauri ni Jun na sinaktan mo…” natigilan ang babae. At nang lumakad ako palayo sa kanya ay nakahinga ako ng malalim at nakangiti ng totoo habang naglalakad na nakatingin sa langit.

Noong mga oras na 'yon, napakagaan ng pakiramdam ko.

Tuesday, May 11, 2010

Epiko 18 : “Bobo ‘tong Botante”



Nang lumapit ang tiyahin kong guro sa akin at tinanong ako kung gusto kong maging support staff niya sa eleksiyon sa Mayo 10, hindi ako nagdalawang isip. Syempre, makakapera ako doon. Hindi tulad ng mga pangkaraniwang watchers na isang partido o kandidato, malaki ang makukuha ko dito. Pero hindi ko inaasahang may mas makukuha pa pala akong mas malaki at mahalaga na higit pa sa pera.

Sumama ako sa pagpupulong nila sa Bulihan na kung saan lahat ng mga guro ay dumalo para mapag-usapan ang gagawin nila sa araw ng halalan. Napaisip ako ng malalim – hindi biro ang pagsubok na haharapin nila lalo na ngayong ginawa nang automated ang pagboto. Maraming matatandang guro ang naging hindi interesado dahil mas sanay sila sa mano-manong bilangan. Halos mga bata at hindi katandaan ang mga naroon. Naisip ko tuloy na paano kapag guro na ako sa isang pampublikong paaralan. Siguradong makakasama at mapapasabak ako sa ganitong sitwasyon kaya maaga pa lang ay inaalam ko na ang mga posibleng gawin ko kapag dumating na ang araw na ‘yon.

Kasama ang COMELEC, napag-usapan ang tungkol sa mga maaring maging problema ng mga botante at nila kapag nagkaroon ng aberya. Medyo hindi ito naging malinaw sa akin noong una dahil napag-alaman ko na wala silang contingency plan at hindi sila handa. Sa totoo lang, takot pa silang masubukan ang bagong sistema. Kahit na nakapag-seminar na sila tungkol sa gagawin nila, hindi maiaalis sa kanila ang kaba at pag-aalala sa kauna-unahang automated election sa bansa.

Nang umuwi ako sa amin, lalo akong napaisip. Tinanong ko sa sarili ko kung ano ang magagawa ko sa araw na ‘yon. Sa pagkakataong ito, hindi na perang makukuha ko ang iniisip ko kundi ang kinabukasan ng mga taong umaasa sa susunod na lider at pagbabagong hinahangad nila para umunlad ang kanilang sarili.

Dumating na ang araw na pinakahihintay ng lahat – maaga pa lang ay gumising na ako upang pumunta sa presinto na kung saan ako nakadestino. habang tinutulungan ko ang poll clerk sa pag-aayos ng election paraphernalia ay inutusan ako ng chairman na kuhanin ang PCOS machine. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaharap ko ang makinang magiging bida sa araw na ‘yon. Nang binuhat ko siya, akala ko ay sobrang bigat. Kayang-kaya kop ala itong dalhin. Naisip ko ang pakiramdam ko na nag-aalala ay biglang nawala dahil sa pagkahawak ko sa makinang ito. Dati kasi kapag hawak mo ang lumang ballot box na kulay dilaw ay parang ramdam mo ang hirap dahiul sa magdamagang pagbibilang. Pero ngayon, mukhang matutuldukan na ang lumang sistemang iyon.

Nang maayos na ng technician ang PCOS machine, lumabas ako upang tingnan ang mga tao sa labas. Marami nang tao ang nakaabang at sabik nang bumoto. Nagkusa na sabihan sila na hanapin ang mga pangalan nila, presinto at numero sa listahan ng COMELEC na nakapaskil sa labas. Inayos ko na din ang nila para maging maayos ang pagpasok at pagboto nila sa loob.

Nang magsimula na ang botohan, napansin ko ang mga kakatwang kilos ng mga botante. May mga botante na hindi alam kung ano ang unang gagawin habang hawak ang mahabang balota. May iba naman na hnidi maiwasang magtanong sa sarili at sa katabi kung tama ba ang ginagawa nila sa pagboto lalo na sa pag-iitim ng bilog (na hugis itlog). May napansin din ako na tila wala silang iniisip na pangamba na tila nagtitiwala sa bagong sistema ng pagboto partikular ang mga kabataan na uang beses na boboto. Ang iba namang botante, lalo na ang mga matatanda ay naiinis at gusting magreklamo dahil nahihirapan silang basahin ang nakasulat sa balota. Sa ganitong sitwasyon ay ako ang sumasaklolo sa kanila at tinutulungan silang mag-itim ng bilog (na hugis itlog).

Nag-iisa lang ang Smartmatic technician sa lugar. nakiusap sa akin ang chairman ng aming presinto na alalayan ko ang mga botanteng magpapasok ng kanilang balota sa PCOS machine. Isa itong nakakatawang karanasan dahil wala akong ideya kung ano ang gagawin at ako ang naatasan na gumawa ng bagay na ‘yon na hindi ko alam. Agad akong lumapit sa technician at tinanong ang mga posibilidad na dapat gawin lalo na kapag iniluwa ng mackinaw ang balota. Buti na lang at madali ko itong naintindihan. Salamat din sa mga impormasyon na nasa TV, radio at internet at nagawa kong maintindihan ang ginagawa ng makina. Hindi matutumbasan ng kahit anong pakiramdam ang ipasok sa PCOS machine ang kauna-unahang boto mo sa kasaysayan. Ngunit nakakalungkot din ang mga botong nare-reject dahil sa mga ambiguous marks. Nakakapanghinayang talaga.
Sayang ang boto nila. Parang pakiramdam nila ay nabigo sila sa inaasam nilang pag-asa na pagbabago.

Ngunit hindi din mawawala ang problema tulad na lang ng mabagal na pag-usad ng pila dahil sa tagal nag pagboto. Madaming nagrereklamo lalo na ang mga kapwa nating Pilipno na mahilig sa instant noodles (o shortcut para mapabilis ang kanilang pagboto). Nagkaproblema din ang PCOS naming dahil nagkaroon ng “paper jam” sa loob nito. Ngunit naayos din naman agad ito. Ganyan talaga kapag “first time.” Natural lang ito dahil ngayon pa lang ito nangyari sa kasaysayan. Naisip ko na sa susunod na eleksyon ay bibilis na ito dahil may ideya na ang mga tao kung paano boboto. Tapos na-extend pa hanggang alas syete ng gabi ang botohan.

Nang matapos na ang oras ng botohan ay hindi nagtagal ay nagbilangan na. Hindi tulad ng mano-mano, diretsong lumabas sa PCOS machine ang listahan ng mga kandidato katabi kung ilan ang bumoto sa kanila. Hindi na kailangang idikta at i-tally ang mga balota tulad ng dati. Humanaga ang lahat sa kapasidad ng makinang ito. Nang maimprenta na lahat ang kailangang kopya ng election returns ay direktang pinadala ng technician ang resulta sa mga ahensyang nakatakdang tumanggap nito. Napakabilis! Parang nag-text ka lang. Alas dose ng gabi kami nakatapos… malayo sa magdamagang puyatan para magbilang ng mano-mano. Nang maayos na nmain ang mga gnamit at mga requirements ay dumaretso na kami sa munisipyo at COMELEC para isauli ang mga gamit, PCOS machine at resulta ng eleksyon.

Nang pauwi na ako, naisip ko tuloy ang nagyari sa buong maghapon. Masaya ako sa nangyari. Hindi ko inalintana ang pagod, gutom at hirap nang mga oras na ‘yon. Para sa akin, ang makatulong sa ganitong paraan para sa bayan ay sapat nang dahilan na gusto ko din magkaroon ng pagbabago at pag-unald ang buhay nating mga Pilipino. Marahil negatibo ang pananw ko sa karamihan (at baka sa ‘yo). Pero gusto ko silang (at ikaw) na tanungin na may nagawa ka ba para sa bayan mo para magkaroon ng pagbabagong inaasam mo?

Wala sa mga bagong mamamahala ang kasagutan sa kagustuhan mong pagbabago. Nasa ating kamay ito. Huwag nating sayangin ang ganitong pagakakataon na mapagsilbihan at tulungan.ang ating bayan. Bukod na bumoto ka ngayong eleksyon, kumilos ka at ipakita mo sa nakakarami na mahalaga ka sa mga sandaling iot dahil para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.

Friday, May 7, 2010

Epiko 17: “Ang Tunay na Tagumpay”



Ang totoo, wala akong ganang magsulat. Bukod sa wala akong masyadong maisip na topic, meron akong nararamdaman na hinid maganda. Hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan pero gusto kong sagutin ang mga katanungan sa aking sarili na patuloy na gumugulo sa isip ko.

Totoo ang kasabihan na “mahirap tanggapin ang katotohanan.” At “ang mali ay hindi kailanman magiging tama.” Naiisip ko tuloy kung bakit may ganitong “norms” ang tao. Marahil siguro, may moral tayo. Sinasabi nila, kapag gumawa ka ng tama, isang daan lang ang patutunguhan mo samantalang kung mali ang gagawin mo ay marami kang pagpipilian daan.

Pero ano ba ang tinutumbok ko?

Bakit mas pinapansin ng ibang tao ang kamalian mo kaysa sa tama mong ginagawa?

Mahirap sagutin ito (kaya nga ito ang gumugulo sa isip ko) dahil iba’t-iba ang opinyon ng mga tao dito.

Isang halimbawa na lang ay si Cristobal. Siya ay kaibigan ko mula nang pagkabata. Ikinuwento niya sa akin karanasan niya noong nasa kolehiyo pa siya. Isa siya sa mga magagaling sa klase. Hinahangaan at nirerespeto. Ngunit meron siyang madilim na sikreto na itinatago na walang nakakaalam – nakapatay siya ng tao. Sabi niya, hindi niya sinasadya ang nangyari, aksidente niyang nakulbit ang gatilyo ng baril habang nag-aagawan sila ng baril ng dating boyfriend ng kanyang kasintahan. Ipinagtanggol lang daw niya ang kanyang sarili kaya niya ‘yun nagawa. Hindi niya daw ito sinasadya.

Nang malaman ng mga kaklase at buong paaralan ang nangyari ay iniwasan siya ng mga kamag-aral at iba niyang kaibigan. Nahirapan siya. Parang natabunan ang mga kabutihang ginawa niya. Nagkarooon siya ng matinding depresyon. Halos masiraan siya ng ulo dahil napakasama na ng turing sa kanya ng mga tao. Wala siyang nagaw kundi umiwas sa mga kaklase niya at palagi na siyang nag-iisa.

Noong una, parang wala lang sa akin ang nagyari sa kanya. Pero naintindihan ko siya nang naranasan ko ang sitwasyon niya. Napakahirap. Para bang gusto mo nang gumising sa isang masamang panaginip. Na palagi kang paranoid sa mga tao sa paligid mo. Kapag nag-iisa ka, hindi mo mapigilan na kausapin ang iyong sarili na parang sira ulo. Nakakbaliw talaga. May panahon pa nga na parang wala ka nang pag-asng mabuhay sa mundo… na parang tinalikuran ka ng lahat at galit sila sa ‘yo kahit na hindi mo ito ginawa sa kanila.

Palagi akong tulala. Ang isip ko ay parang lumulutang sa ere. Hindi ako makapag-isip ng ayos at napapabayaan ko ang akin sariling kalusugan. Ayoko nang makipagkaibigan at makakilala ng iba. Pakiramdam ko, wala na akong puwang ditto sa mundo… na wala nang nagmamahal sa akin… na sira na ang buong pagkatao ko. Walang araw na hindi ako umiyak at tinanong sa sarili ko kung bakit nangyari ito sa akin. Kung minsan pa nga, naiisip ko na ang mga mangyayari bukas at kung anong paghihirap ang mararanasan ko.

Mahirap labanan ang depresyon. Sinasabi na isa itong “emotion sickness.” Malimit na naapektuhan nito ang kalusugan, pamilya, personalidad, buhay relihiyon, libangan, paaralan, trabaho at pakikipag-kapwa tao. Ang mga taong depress ay nawawalan ng kumpyansa at tiwala sa sarili, pag-asa at direksyon sa buhay. Matindi ang epekto nito sa pag-iisip at maaaring makasama ito sa kanya.

Anong dapat gawin ng isang taong depress?

Una, tanggapin ang kabiguan na bukal sa kanyang kalooban. Mahirap ito sa una ngunit mas mabuti na ito kaysa mabuhay ka na may sugat na alam mong hindi na gagaling at maghihilom. Lahat ng tao ay may kabiguan. Hindi natin ito dapat sabihing pagkakamali. Isipin mo na ang kabiguan ay parte ng pag-unlad sa sarili. Sabi nga ni B. F. Skinner “A failure is not always a mistake; it may be the best one can do under the circumstances”

Pangalawa, matutong magsimula muli. Sa bawat pagkakadapa ng isang batang natututong maglakad ay kailangan niyang tumayo at magsimulang humakbang muli. Mahirap din ito sa una dahil wala kang ideya kung papaano kang magsisimula. Huwag mong isispin na katapusan na ng mundo at magkaroon ng bisyo na sisira sa katawan moKailangan magkaroon ka ng tiwala sa sarili at suporta sa mga natitira mong kaibigan at kamag-anak. Sila ang magsisilbi mong lakas para magsimula muli. Hindi mo dapat ipako ang iyong sarili sa isang madilim na nakaraan. Sabi ni Grace Hansen “Don’t be afraid your life will en; be afraid that it will never begin.” Kaya hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. May bukas pa.

Pangatlo, matuto kang magpahalaga. Kung ano at sino ang mahalagang pinaghahawakan mo sa kasalukuyan, dapat mo itong ingatan dahil ito na lang ang natitra para sa ‘yo. Huwag kang mangamba dahil marami pang mga oportunidad, tao, magagandang alaala at bagay ang darating sa ‘yo. Sabi nga sa pelikula ng Kamen Rider – The First, “When you lose something, you will receive something new.” Maraming tao ang nagmamahal, nag-aalala at sumusuporta sa ‘yo. Ang dapat mo lang gawin ay imulat mo ang iyong mata dahil nasa tabi-tabi lang sila.

Pang-apat, isipin mo na ang mga nangyayari sa ‘yo ay may dahilan. Magkaroon ka ng positibong pananaw at huwag mong sirain ang ‘yong sarili. Ang problema na hinaharap mo ay solusyon na nagbabalat-kayo lang. “Even a mistake may turn out to be the one thingnecessary to a worthwhile achievement.” wika ni Henry Ford.

At ang panglima, move on. Ang buhay ay isang paglalakbay, dapat mong ipagpatuloy ang buhay ayon sa ikabubuti mo. Lahat ay nagsisimula sa unang hakbang. Magsilbing aral ang karanasang ‘yon sa ‘yo at gamitin mo ito bilang isang sandata sa mga susunod na pagkakamali. “Life is a long path goal… drop your heavy luggage and enjoy walking with an empty hands.” sabi ng lola ni Tendou Souji. Huwag mong kalimutan na hindi ka magbabago kung hindi ka kikilos para sa sarili mo.

Hindi ko alam kung makakatulong ang mga payo ko sa ‘yo. Pero nakakasiguro ako na mabisa itong panlaban sa depresyon. Mula sa mga karanasan ng ibang tao (kasama na ‘yung sa akin…) nakita ko na malaki ang maitutulong nito. Basta kailangan mo lang ng determinasyon at tiwala sa sarili.

Kaya nga dapat huwag kang malungkot at mawalan ng pag-asa. Lahat ng nangyayari sa ‘yong problema at pagsubok, kapag nalampasan mo ay maituturing mong tagumpay sa ‘yong sarili.

Wednesday, May 5, 2010

Epiko 16: “Isang Alay Para sa Aking Nanay”



Kilala ang “Pieta” ni Michelangelo na isa sa mga maganda at makahulugang produkto ng sining sa panahon ng Renaissance sa Europa. Nagpapakita ito ng paghihirap at pagdadalamhati ni Maria sa kanyang anak na si Jesus na ipinako sa krus. Simpleng lang ang pagkakagawa dito ngunit napakalalim ng pakahulugan at mensahe nito para sa tao – wala nang hihigit pa sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak.

Noong bata pa ako (hanggnag ngayon), ay malapit na ako sa aking ina. Kahit sa sinasabi na “Mama’s boy” ako ng mga kaibigan ko, hindi ko ito ikinahiya. Sa bawat pagsubok, tagumpay at kasawian, hindi nawawala sa eksena ang nanay ko na walang sawang sumusuporta at tumutulong sa akin.

Pero may isang pangyayari na sinubok ako kung gaano ko kamahal ang aking ina.

Noong panahon na nakabuntis ako, nakita ko kung gaano nahirapan at nasaktan ang magulang ko sa ginawa ko. Sa mga panahon na ‘yon ay nag-aaral pa ako at kakakasal lang ng kuya ko, nakita ko sa mata niya ang kawalan ng pag-asa at panghihinayang sa akin. Hnaggang sa mga panahon na iharap ako sa altar kasama ng mapapangasawa ko, hindi mapigil ang pagluha niya na tila isang baril na tumatama sa akin at hindi nauubusan ng bala. Wal siyang sinabi sa akin kahit isang salita. Ngunit ang kanyang mukha ay sapat na upang maintindihan ko ang tunay niyang nararamdaman.

Mahirap ang buhay noong mga panahon na ‘yon. Habang pinagmamasadan ko ang asawa ko na hinihimas ang kanyang sinapupunan, napaisip ako kung ano ba ang pakiramdam ng isang ina na dinadala ang isang bata sa kanyang katawan. Siguro ganito din ang pakiramdam ng nanay ko noong nasa sinapupunan pa lang niya ako – masaya siya ngunit takot sa mga pwedeng panganib na kanyang makaharap kapag iluluwal na niya ang bat.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon, hindi pinalad na mabuhay ang anak naming. Sa loob ng anim na buwan sa sinapupunan, hindi kinaya ito kinaya ng asawa ko dahil sa kanyang sakit sa puso at atay. Nang binigyan ako ng pagkakataon na makita ang bata, nanlumo ako. Kitang-kita ko kung paano unti-unting binawian ang anak ko sa aking harapan.

Ano pa kaya kung nakita mismo ito ng asawa ko?

Sa isang ina, mahirap tanggapin ang pagpanaw ng isang anak. Alam kong masakit din sa akin ang nangyari. Ngunit mas matindi pa ang naramdaman ng asawa ko sa akin. Tulad ng nasa “Pieta,” napakasakit kay Maria ang makitang nahihirapan hanggang sa mamatay si Cristo sa krus. Hindi ko na nasabi agad sa kanya ang buong nangyari. Sapat na ang luha naming ibinigay sa isa’t-isa upang maunawaan ang isa sa mga madidilim na kabanata ng buhay naming dalawa.

Hanggang sa lumapit ako kay nanay na nakaupo sa labas ng ward. Niyakap ko siya at umiyak. Pakiramdam ko ay muli akong bumalik sa pagkabata na parang inagawan ng laruan ng isang kalaro o kaya ay inagawan ng kendi. Nang nakita ako ng ina ng asawa ko ay niyakap din niya ako. Dalawang ina ang naging sandalan ko sa mga oras na ‘yon. Pakiramdam ko ay itinatayo nila akong muli pagkatapos kong madapa sa pagtakbo. Siguro mas higit pa ang sakit na nararamdaman nila kaysa sa akin.

“Anak, huwag kang panghinaan ng loob. Kailangan mong maging matatag. Huwag kang susuko. Mas matindi pa diyan ang haharapin mo sa mga darating na panahon. Nandito ako para sa ‘yo. Anak, hindi kita pababayaan.” wika ng nanay ko habang hinahaplos ang buhok ko. Nang mga oras na ‘yon, napagtanto ko na walang tutulad sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak… kahit na gaano pa kasama ang ginawang kasalanan at kabiguan nito sa kanya.

Sa ating buhay, may kinikilala tayong mga ina na nakasama natin mula sa pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Ngunit kadalasan ay nababalewala natin ang ginagawa nila para sa atin kapakanan.

May pagkakataon na nagsisinungaling tayo sa kanila. Halimbawa, ang presyo ng libro na bibilhin mo ay P300.00 ay hihingi ka ng P500.00 at di mo na ibabalik ang sukli.

May oras naman na sinasagot natin sila ng pabalang kapag pinapagalitan tayo.

Minsan, nakakalimutan nating halikan at yakapin bago magpaalam sa kanya kapag may pupuntahan tayo.

Nakakalimutan natin silang tulungan sa mga gawaing bahay kahit na wala tayong ginagawang importante.

Nahihiya tayo kapag siya ay nakikita mo na kausap ang mga classmate, kabigan o ang taong nanliligaw sa ‘yo/nililigawan mo.

At higit sa lahat nahihirapan nating sabihin na mahal na mahal natin siya…

Pero para sa ‘yo, sana maisip natin ang hirap nila habang nagddalang-tao siya sa ‘yo; sana maisip mo ang ilang gabi na hindi mo siya pinatulog dahil iyak ka ng iyak dahil basa ang lampin mo; sana naisip mo ang pagtitiyaga niya upang matuto kang maglakad; sana napahalagahan mo ang mga araw na tinuturuan kang bumasa at sumulat; sana naisip mo na para sa kabutihan mo kaya ka niya pinagsasabihan; sana pinahalagahan mo ang mga luto niya kahit hindi masarap; sana mapasalamatan mo siya sa mga tagumpay na nakamit mo.

At sana, huwag mo lang siyang pahalagahan kapag Mother’s Day.

Hindi lahat ng ina ay katulad ng ina ko. May ibang ina na kasama na ng ating Panginoon, nasa ibang bansa at nagtatrabaho at ang iba naman ay mas pinili ang kanilang sarili kaysa sa atin. Pero huwag kang magalit sa kanila. Bagkus, dapat ay maging maligaya ka. Kung hindi dahil sa kanya, wala ka sa mundong ito. At kung may kinamulatan kang ibang ina, sana’y isipin mo na ibinigay siya sa ‘yo ng Diyos upang maging ganap na tao ka. Na kahit hindi siya ang tunay mong ina, higit pa doon ang ginawa niyang sakripisyo at paghihirap dahil mahal ka niya.

Hindi ko alam kung paano ko ito tatapusin. Kulang pa ito sa ginawa sa akin ng nanay ko.

Ang tangi ko lang kayang gawin sa ngayon ay maging mabuting anak sa kanya at wala itong katumbas na materyal na bagay sa mundo.

Maligayang araw ng mga ina nanay! Salamat sa ‘yo! Mahal na mahal kita!

Epiko 15:“Hindi Naman Masamang Manlait Kung Nagsasabi Ka ng Totoo?”



Nakapanood ka na ba ng sabong?

Minsan nang sumama ako sa bayaw at mga bilas ko sa Ternate, nakapanood ako ng sabong sa unang pagkakataon. Napakaraming tao at sobrang ingay sa loob. Kahit panahon ng kwaresma ‘yon, parang hindi sila marunong mangilin at iisantabi ang isang luma ngunit imortal na libangan ng mga Pilipino.

Habang nanonood ako, may isang dayuhan na tila Olandes ang tumabi sa akin hawak ang kanyang SLR camera. Kinukuhanan niya ang mga tao sa bawat paligid.

“Very barbaric! This one sucks… Good thing I’m not a Filipino” bulong niya sa kanyang sarili sabay tayo at alis sa tabi ko.

Napaisip ako sandali at napabulong. “Tarantadong puti ‘to ah! Mabugbog ka sana sa labas.

Makalipas ang kalhating oras ay may narinig akong putok ng baril sa labas. Agad na nagkagulo at lumabas ang mga taong napusta. Sumama ako sa kanila. Nabigla ako sa nakita ko… ang Olandes na nakita ko ay duguan at naghihingalong nakahiga sa lupa. Basag ang lens ng kanyang SLR at may tama ng baril sa dibdib.

Hindi nagtagal ay dumating ang mga rumespondeng pulis at isang ambulansya. Habang ipinapasok siya sa ambulansiya, narinig ko na ibinulong niya ang salitang ito: “Fuck you all Filipinos! You’ll pay for this…” Noong mga oras na ‘yon, parang gusto kong sapakin ang dayuhang ‘yon hanggang sa mamatay. Pero naawa naman ako. Ikaw ba naman ang barilin.

Likas sa isang tao ang maging mapanghamak sa iba. Kahit ikaw ay ginagawa mo ‘yon (Huwag kang tatanggi kasi nakikita kita!). Pero ano ba ang ugat nito? Ating balikan ang inaaral natin sa Social Science at Values Education:

Hatiin natin ito sa dalawang seksyon…

Una, Pagkiling (Prejudice)

Ayon sa librong “The Nature of Prejudice” ni Gordon Allport, ang tao, bagama’t may pag-iisip ay may pagkakataong pumipili lang sa isang bahagi na kung saan siya ay nabibilang. Ito ang ugat kung saan inaayawan nila ang hindi nila gusto. Ito din ay isang pag-uugali na negatibo na nagkakaroon ng hindi magandang pagkilos, pananalita at pagdedesisyon.

Isang halimbawa nito ay ang pader na naghahati sa mga may balat na maputi at maitim. Bagama’t matagal na usapin na ito, hanggang ngayon ay patuloy pa din itong nangyayari. Nag-ugat ito sa panahon g kolonyalismo na itinatak sa kasaysayan ng tao. Ang isyu, mas magagaling, matatalino at makapangyarihan ang mga puti kaysa sa itim dahil sila ang mas sibilisado.

Ang epekto nito ay talagang nakakagimbal. Nagsisimula ito sa paninirang puri (Antilocution) ng mga dominanteng grupo sa mga mababang grupo. Kapag siniraan sila, magkakaroon ng pag-iwas (Avoidance) sa mga ito. Dadating din sa puntong magakakroon ng pang-aapi (Discrimination) na minsan ay nauuwi sa sakitang pisikal (Physical Attack). Sa banding huli, ang mga mababang grupo ay itatakwil (Extermination) ng lumalaking dominanteng grupo.

At ang Pangalawa: Pang-aapi (Discrimination)
Kaiba sa pagkiling, ito naman ay ang pagtrato ng masama ng dominanteng grupo sa mababang uring grupo. Hindi ito isang pag-uugali, ito ay isang sistema na nakabase sa relihiyon, kultura at lahi.

Hindi ako lalayo sa isang halimbawa na naranasan natin sa panahon ng mga mananakop na banyaga. Sa mga Kastila, nagkaroon ng pang-aapi sa katauhan ng mga Illustrado sa Indio. Sinasabing kailanman ay hindi sila pwedeng umanagat dahil ang mga Indio ay mga hindi sibilisado. Kaya nga nagkaroon ng rebolusyon laban sa kanila dahil sa ganitong sistema. Ngunit hindi ito natuldukan nang dumating ang mga Amerikano at Hapon. Ang tingin nila sa mga Pilipino ay mababang uri dahil sa pinaghalo-halong lahing nananalaytay sa dugo nito. Parang hindi pwedeng iparis sa isang Golden Retriever sa isang Mongrel (o Askal sa Plipino) kasi papangit ang mga anak nito.

Ang pang-aapi ay hindi na bago sa sistema ng mga Pilipino. Dahil sa impluwensya ng mga dayuhang mananakop, naimpluwensiyahn din tayo ng kanilang pananaw, kultura at sistema na may bahid ng pang-aapi. Tulad na lang kapag may naakita tayong isang tao na kakaibang porma sa damit. Minsan ay kinukutya natin sila dahil kakaiba sila at hindi natin matanggap ang kanilang paraan upang mgapahayag ng sarili.

Kalimitan, ang mga biktima nito ay ang mga kababaihan, mga nasa ikatlong sekswalidad, mga grupong nasa “indigenous” status tulad ng mga iba’t-ibang tribo at lahi, mga matatanda, may mga hindi kilalang relihiyon, mga may balat na may kayumangging kaligatan at mga may kapansanan.

Ngayong alam mo na. ano na ang gagawin mo?

Kung ikaw ay ang inaapi at pinagtutulungan, may apat na posibilidad kang gawin na aksyon ayon kay Vander Zanden (1982,1990): Una, tanggapin mo ng buong-buo ang ginagawa nila sa ‘yo; Pangalawa, lumaban ka sa sa kanila at ipagtanggol ang iyong sarili; Pangatlo, Iwasan sila para walang gulo at; Pang-apat ipagsisikan ang sarili sa kanila hanggang kaya mo at magtiis.

Kung ikaw ang nang-aapi, harapin mo ang katotohanan na wala kang mararating sa mga ginagawa mo… wala kang pag-unald at sumisira ka ng kinabukasan ng iba. Ang tawag dito ay ang “scapegoat theory” kung saan ayaw mong makaramdam ng inaapi at inaalipusta. Tinatakasan mo ang katotohanan na maaaring mangyari ang ginagawa mo sa ‘yong sarili. Iwasan mo itong gawin hangga’t maari dahil sasama lang ang tingin ng iba sa ‘yo at maaapektuhan ka nito.

Kinabukasan, nabalitaan kong patay na ang Olandes. Hindi ko nagawang matuwa o maawa. Marahil isa siya sa mga biktima ng pang-aapi at pagkiling sa kanyang sinasabing “tama ito” factor. Nagkataon lang na wala siya sa teritoryo niy.

Patuloy itong nangyayari hindi lang sa bansa natin kundi sa buong mundo (mas malala pa nga ‘yung sa ibang bansa kung tutuusin). Tandaan natin na tayo’y pantay-pantay na nilikha ng Diyos at kahit anng kulay at pagkakaiba natin sa iba ay malinaw na ebidensiya na mahal tayo ng Diyos. Tanggapin natin ang katotohanan na may mga ganitong klaseng tao. Dapat lang natin gawin ay mag-ingat.

Walang may karapatang manlait at manghamak ng iba… kahit pa nagsasabi ka ng totoo.

Tuesday, May 4, 2010

Epiko 14: “Ang Sakit ng Lenggwaheng Pinoy”



Kapag nagbubukas ako ng account sa Facebook at Friendster (Rest In Peace), hindi ko maiwasang mabasa ang mga salitang nakasulat sa bawat comment at “What’s on your mind” portion tulad nito:

“3owh Foh! H@vA NaIZs D3i 2 oHL!!!! JeJeJehhZ”

At heto pa:

ZowwiE Ng@ Plah KnInInaH… GTG Mwuaaahh! Ajejejejehhh! LOLZ!

Sabi nga ng nanay ko habang binabasa ang mga ito. “Namputa! Kayo lang ang nakakaintindi ng salita niyo! Anak, Anong basa mo dyan?”

“Hello po! Have a nice day to all! He! He! he!”

“Sorry nga pala kanina. Got to go! Mwahh! Ah! He! He! He! He! Laughing out loud.” wika ko.

“Bakit mo naintindihan? Bakit ako hindi?” pagtataka ni nanay na pilit inaaral ang mga nakasulat sa monitor.

‘Yan ang uso ngayon… Jejemon!” sagot ko sa kanya.

‘Ano ba ‘yan! Bakit pa kasi nauso ‘yan! Ang dami nang apektado!” sabay walkout ni nanay at pumunta sa labas.

Napaisip tuloy ako. Paano ko nga pala ito naintindihan?

Dati noong nag-aaral pa ako ng medisina, mga halaman, hayop at tao lang ang alam ko na nagkakasakit. Akala ko kapag umalis na ako sa field na ‘yon ay hindi na ako makakaharap ng mga nagkakasakit o kailangan ng case study o medical report.

Nagkamali ako.

Sa sitwasyong ito, matindi ang sakit na kumakalat ngayon – ang JEJEMON scare.

Ano ba ito?

Ayon sa website ng Urban Dictionary (www.urbandictionary.com), ang salitang JEJEMON iay malimit na nakikita sa mga social networking sites. Sila ang mga taong may mababang IQ at ikinakalat ang kanilang kamangmangan sa pagtitipa at pagsusulat 2laD Ni2 @ E2w @ MdAmI Pngh Ib@. JeJeJeJeh! LoLZ (tulad nito at eto at madami pang iba. He! He! He! He! (hagalpak)… para sa hindi makaintindi) na kung minsan ay mapapataas ka ng kilay at maiirita sa pagbabasa.

Sinasabi din na ito ay evolved SMS (o text message). Nilalaman nito ang pahalili-haliling capital letters at small letters na may kasamang numero, characters, at punctuation marks na hindi nakasunod sa tamang grammar rules. Gumagamit din ito ng substitusyon ng mga leta tulad ng letrang “A” na nagiging “@” o letrang “E” na pinapalitan ng numerong “3”

Nakakalarma ito dahil patuloy itong kumakalat at may malaking implikasyon ito sa edukasyon at lenggwahe n gating bansa.

Ano ba ang senyales ng mga JEJEMONS?

Una, nahihirapan silang iparamdam ang kanilang nararamdaman sa salitang Ingles (na kung minsan ay may halong wikang Filipino) tulad ng mga average person

Pangalawa, mahina sila sila sa lenggwahe. Siguro ay hirap sila sa punctuations, grammar at spelling. Sila ‘yung nagsasabing “I hate English” o “Ayoko talaga ng subject na Filipino”

At pangatlo, mahilig silang magdagdag ng mga sobrang letra, numero at signs sa kanilang pangalan o alyas (i.e. Anna nagiging Hannah, Jones na nagiging Jonetzky).

Ano ang epekto nito?

Una, apektado ang kalidad ng edukasyon sa bansa pagdating sa pagtuturo ng lenggwahe. Sa aking Language Research na ginawa noong nakaraang semestre, nagkakaroon ng mabilis na pagbaba ng ‘language proficiency” ang isang mag-aaral kung palagi siyang nakaharap at nag-uubos ng oras sa mga social networking sites. Ito ay dahil “exposed’ sila sa mga Jejemons na hindi nila namamalayan ang unti-unting epekto nito sa kanilang lenggwahe. Tuloy, pati ang kanilang “academic performance” pagdating sa pagsusulat, pagbabasa, pakikinig at pagsasalita ay apektado nito. Dahil dito, patuloy ang pagdausdos pababa ng kalidad ng ating edukasyon.

Pangalawa, nagkakaroon tayo ng “malignant language” ibig sabihin, unti-unting nasisira hindi lang ang ating lenggwahe pati na din ang kultura natin bilang Pilipino. Para itong virus na sinisira paunti-unti ang ating lenggwahe. Dahil ditto, nag-iiba ang pagtingin ng ibang bansa sa atin. Ang mga Intsik at Koreano nga eh nauuma kapag nakakabasa nito. Nagtanong nga sila minsan na kung may course ba na Bachelor of Arts in Jejetyping. Kasi pakiramdam nila na nagiging mababa na ang tingin nila sa atin pagdating sa lenggwahe.

At pangatlo, Nawawala ang esensiya ng pagiging magalang at pormal sa ibang nasyon. Kaya huwag tayong magtaka kung isang araw eh parang alien na tayo kung magsulat at magbasa. Alam natin na nagbabago ang lenggwahe kasabay ng modernisasyon at teknolohiya. Ngunit ang ginagawa ng mga Jejemons ay inililihis tayo sa tamang daan papunta sa kamangmangan at kahihiyan. Sa aking palagay, walang ibang dapat sisihin ditto kundi an gating mga sarili. Sa oras kasi na matuto tayo ng isang bagay, ito ay ating ia-apply dahil may kasabihan nga tayo na “you learn by doing it”.

Pero kahit alam mo na kung paano ito gamitin, maging responsible ka pa din kung gagamitin mo ito sa tama o mali. Tulad ng maimbento ang atomic bomb – alam nng mga gumagawa nito ang mga sangkap at pamamaraan ngunit iot ay hindi nila ginagamait basta-basta dahil malaki ang perwisyo nito sa daigdig.

Ang atomic bomb at mga Jejemon ay hindi nalalyo sa isa’t-isa. Pareho silang nakakasira at nakakaapekto ng malaki sa tao sa iba’t-ibang aspeto.

Siguro marahil pagod ka ng magbasa. Pero sana maisip mo na hindi kakalat ang Jejemon fever kung hindi ka din gagawa at ia-aaply ito sa pang-araw-araw na pamumuhay. Simulan mo ito sa iyong sarili. Matuto kang magsipag sa pag-aaral ng mga bagay-bagay na kailangan mo sa pag-unlad, iwasan mong gamitin ito sa internet o kahit sa paaralan. Wala akong nakikitang masama kung gagawin mo ito.

Maging reponsable ka sana sa pagmamahal mo sa iyong lenggwahe. Nang hindi magalit sa ‘yo si Jose Rizal at sabihan ka na “higit ka pa sa bulok at mabahong amoy ng isda.”

Epiko 13: “Mag-Ingat sa mga Ngiti”



Malamang kung lahat tayo ay may kapangyarihan na bumasa ng isip ng isang tao, baka magkaroon ng delubyo sa daigdig. Binigyan tayo ng Diyos ng isip at puso upang gamitin sa paraan na kailangan nating isipin at maramdaman ang mga bagay na nakakaapekto at makakatulong sa atin upang umunawa.

Walang sinuman ang kayang bumasa ng isip ng tao. Kung meron man (kahit nagpapanggap), may pangontra para diyan – ang ngiti.

Ngiti?

Hindi ba para sa mga masasayang tao lang ang ngiti?

Nagkakamali ka…

Mayroong limang klase ng ngiti na masusing pinag-aralan ni Clyde Kluchhohn sa kanyang artikulong “Mirror of Man” Ayon sa kanya, ito ay isang natural na kilos ng tao na nagpapakita nakatagong damdamin. Ayon sa kanya, iba’t-iba ang uri ng ngiti. Ito ay ang mga sumusunod: “Contrary Smile”, “Inner Smile”, “Ambigous Smile”, “Deceptive Smile” at “Platinum Smile”.

Contrary Smile
Paano ba ito?
Ito yung klase ng ngiti na taliwas sa kanyang tunay nararamdaman. Ngumungiti ang isang tao upang mawala ang lungkot o dalamhati na kanyang nararamdaman. Halimbawa, natalo ang kinakampihan mong Los Angeles Lakers sa Boston Celtics. Kahit masama na ang iyong loob dahil natalo ka sa pustahan, ngumungiti ka pa din. Iyon ay para ipakita mo sa iba na okay lang ang lahat… pero ang totoo, hindi.

Inner Smile
Ano naman ito?
Ito ang ngiti ng may kakuntentuhan sa isang tao o bagay. Ang ngiting ito ay kabaligtaran naman ng Contrary Smile. Ang ngiting ito ay nauukol sa tunay na nararamdaman ng isang tao – mabuti man o masama. Ito ang ngit na hindi nakikita ng mata. Ang ngiting ito ay nagmumula sa puso. Isang halimbawa na lang ay nakita mo na maligaya ang mga kaibigan mo sa kanilang natamong karangalan o kaya naman ay nakita mo ang kaaway mo na nadapa at ibinulong mo sa sarili mo na “buti nga sa ‘yo”. Kahit di ka ngumiti sa kanila, ramdam mo na sa kalooban mo ay masaya ka.

Ambigous Smile
Eh ano naman ang isang ito?
Ito ang pinagsamang Contrary at Inner Smile. Ang ngiting ito ay komplikado. Ang totoo niyan, ang ngiting ito ay taglay ng mga matatalino at magagaling sa isang larangan. In Layman’s term, “Plastic Smile.” Peke ang ngiting ito dahil walang tiyak na emosyon at sinseridad. Ito ang mahirap basahin. Halimbawa ay ang mga kumakandidato sa isang eleksyon. Iba’t iba ang ispekulasyon ng mga taong nginingitian niya kaya nahihirapan ang tao kung totoo o sincere ang taong nakikiusap na iboto. Sa maikling salita isa itong nakakalokong ngiti.

Deceptive Smile
Mula sa salitang deceptive na nangangahulugang mapanlinlang, ito ang ngiti ng isang taong may masamang intensyon. Kunwari, nakipag-deal ang isang sindikato sa isa pang sindikato at may balak siyang onsehan ito… iyon na ‘yon! Sa pag-ibig ay talamak ang ganitong ngiti dahil hindi natin alam kung ang taong mahal natin ay totoo ang ipinapakitang galaw o kaya mayroon siyang masamang binabalak. Tuso ang ganitong ngiti. Parang ahas na kahit anong oras ay pwedeng umatake at manakit ng kalooban ng iba.

Platinum Smile
Alam natin na ang platinum ay higit pa ang halaga sa ginto. Ito ang ngiti na iilan lang ang nagtataglay. Ang ngiting ito ang pinakamataas. Taglay ng ngiting ito ang pagkakaroon ng pag-asa sa mga wala ng pag-asa; ang ngitng nagiging possible ang imposible; ang ngiting nakakapagbuklod ng mga tao; ang ngiting tumutunaw sa matigas na puso; ang ngiti na walang bahid na pagdududa; ang ngiti ng isang dakilang tao. Dalawa lang ang kilala kong merong ganitong ngiti – si Jesus Christ at ang asawa ko.

Ang bawat ngiti ang sumasalamin sa atin personalidad. Kaya ko ito isinulat ay para balaan kayo sa mga taong ngumungiti sa ‘yo. Ito ay tulad ng isang maskara na pwedeng palitan kahit na ilang beses upang maitago ang kanyang tunay na nararamdaman. Kahit sabihin na ngumiti ka kahit malungkot, ginagawa mo pa din para may maitago ang iyong nararamdaman. Sa bawat ngiti na gagawin mo ay isang pagsisinungaling sa sarili.

Sige, ngumiti ka hanggang gusto mo…

Pero sana maisip mo kung anong ngiti ang gagamitin mo… at kung dapat ba silang ngitian tulad ng ginagawa nila sa ‘yo.

Monday, May 3, 2010

Epiko 12: ‘Tres Libras”



Muli ay may ikukwento ako sa ‘yo…

Habang nag-iisip ako ng isusulat ngayon ay biglang tumawag sa akin ang isa kong kaibigan. Gusto daw niya akong makausap. Pumayag naman ako dahil mahigit tatlong taon na kaming hindi nagkikita. Nang makarating ako sa kanila, naghihintay na ang isang case na Red Horse Beer, dalawang kaha ng Marlboro Black at dalawang litsong manok.

Mukhang alam ko na ang dahilan kug bakit.

Pagakatapos naming magkamustahan tungkol sa buhay-buhay namin, nagsimula na siyang magbukas ng pakay niya kung bakit niya ako pinapunta.

Tulad ng inaasahan ko, may malaking problema ang kaibigan ko.

Ikinuwento niya sa akin ang isang kakaiba at magulong love story. Ganito ‘yun:

Sa halos anim na taon na pagsasama nila ng kanyang asawa, nakatali pa din siya sa isang mapait na nakaraan – mayroon siyang itinuturing na best friend na babae simula pa noong pagkabata. Nang makagraduate sila ng college ay nagkatuluyan sila. Kaso sa hindi sinasadyang pagkakataon, nakabuntis ang kaibigan ko at bigla silang ipinakasal. Nasaktan nang mabuti ang best friend niya. Ang kanyang pinagsisisihan ay hindi siyanakahingi ng tawad. Hanggang ngayon, hindi pa ito nalalaman ng kanyang asawa dahil hindi na ito mahalaga. Kaya hanggang ngayon ay bitter pa din siya.

Lumipas ang mga panahon kasama ang kanyang asawa. Sa hirap at ginhawa ay sinamahan niya ito. Nagsimula siyang muli kahit nahihirapan siya. Sabi ng kaibigan ko, ito lang ang tanging paraan upang pagbayaran ang ginawa niyang panloloko sa kanyang bestfriend turned girlfriend na iniwan niya. Ngunit hindi ‘yun ang nangyari, ang akala niyang mapapabuti ang binubuo niyang pamilya ay hindi niya magawa. Ito ay sa kadahilanang mga bata pa sila noong ikinasal. Palagi silang nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Nawalan siya ng kalayaan na gawin ang gusto niya.

Hanggang sa dumating ang isang tao sa buhay niya. Sa paglalarawan ng kaibigan ko, hindi ito nalalayo sa ugali at itsura ng dati niyang besfriend. Hindi naglaon ay naging magkaibigan sila. Nakita niya muli ag isang bestfriend sa katauhan ng kanyang bagong kaibigan.

Hanggang sa magkahulugan sila ng loob at nagkaroon ng bawal na relasyon.

Alam ng kanyang querida ang katotohanan na may asawa na ang kaibigan ko. Inilihim nila ito.

Ngunit talagang walang sikreto na hindi nabubunyag…

Nagpasya ang babae na makipaghiwalay sa kanya. Hindi ito matanggap ng kaibigan ko. Ang pangako kasi ng kaibigan ko sa kanya ay hihiwalayan niya ang asawa niya. Ngunit gumawa ang babae ng paraan upang malayo siya sa kaibigan ko. Gumamit siya ng mga iba’t-ibang dahilan upang hindi sila magkita hanggang sa nagdesisyon na talaga ang querida niya na humiwalay na nag tuluyan.

Kitang-kita ko sa mukha ng kaibigan ko ang sobrang paghihirap ng kalooban. Mahal na mahal niya ang querida niya ngunit iniwan siya.

Subalit ang asawa niya ay walang alam sa nangyayari.

Tinanong niya ako. “Pare, anong dapat kong gawin?”

Natigilan ako. Natigilan ako sa pag-inom ng alak at naphithit sa sigarilyo na halos kalhati ang nasunog. Nang ilabas ko ang makapal na usok sa aking bibig, napapikit ako… ang totoo, hindi ko alam kung ano ang isasagot ko.

Hinayaan ko siyang umiyak at ibuhos ang sama ng loob. Buti na lang at hindi siya nagbasag ng bote na palagi niyang ginagawa kapag problemado at lasing. Sa mga oras na ‘yon, puno ng katahimikan ang buong paligid.

Pero may nabuo nang sagot sa aking isipan.

Sa mundo mundo, hindi lahat ng gusto natin ay ating nakukuha. Kahit anong pilit natin, kung hindi talaga uukol, hindi bubukol. Ang lahat ng pangyayari ay nag-ugat sa nakaraan. Kung ano ang ginawa niya sa bestfriend na naging girlfriend niya ay ginawa din sa kanya ng querida niya. Ang paliwanag doon? “History repeats itself and this might happen to you…” Sana sa una pa lang ang itinuwid na niya ang pagkakamali niya… na hindi siya nagpatalo sa tukso at bugso ng damdamin. Sa simula pa lang sana ay ipinaglaban na niya kung sino ang dpat niyang piliin. Alam ko na hindi madali ‘yun.

Pero anoon talaga eh… “Nasa huli ang pagsisisi…” Ang dapat niyang isispin ay kung paano siya babangon at magsisimula muli… kasama ang kanyang pinanindigan makasama habambuhay.

Hindi ko ito sinabi sa kaibigan ko. Gusto ko ay siya mismo ang makahanap ng sagot. Ipinakita ko lang sa kanya ang mga consequences at konting paying kaibigan. Pero sa banding huli, siya ang magdedesisyon para sa ikabubuti ng lahat.

Nang umuwi ako sa amin, hindi ko naramdaman ang lasing o hilo. Ang naramdaman ko ay paano kaya kung ako ang nasa kalagayan niya. Makakaya ko kaya ‘yung sakit na nararamdaman niya ngayon? Kayak o bang lutasin at makahanap ng solusyon sa problemang ‘yon? Paano ko itatayo ang sarili ko kapag sa akin nangyari ‘yon?

Kaya nga may kasabihan na “Hindi palaging pantay ang sukat kung tatlo ang titimbangin mo.” Kailangang nating pumili ng isa at tamang desisyon para malutas ang problemang ito.

Hindi na mahalaga kung tama ba o mali ang desisyon mo. Hangga’t kaya mo itong panindigan at panghawakan ay sapat na upang masabi mo na tama ang iyong pinili.

Sunday, May 2, 2010

Epiko 11: “Kahit Isigaw Mo na Mainit, Hindi Lalamig!”



Hindi malaman kung anong klaseng klima mayroon tayo ngayon. Ang epekto nito ay talagang pandaigdigan. Ngayon ay masasbi ko na nararamdaman na natin ang tinatawag nilang “climate change.”

Naaalala ko noong bata pa ako na kahit alas dose na ng tanghali ay hindi mo pa din ramdam ang init lalo na kapag summer season. Nangunguha pa nga kami ng kuliglig at umaakyat sa mga puno tulad ng mangga at lansones para kumuha ng bunga. Pagsapit ng gabi, medyo malamig pa ang simoy ng hamgin dahil sa mga puno sa paligid.

Pero ngayon, wala na sa panahon kung mamunga ang mga puno, nawala na ang mga kuliglig, kahit may mga puno pa sa amin ay mainit pa din at ang init ng araw tuwing tanghali ay tila impyernong sumusunog sa ‘yo.

Ang epekto nito: Wala ng makain ang mga alagang hayop ni Ama dahil tuyo na ang damo; palaging high blood ang nanay ko; tumaas ang singil sa kuryente dahil sa madalas na paggamit ng mga pampalamig na appliances (aircon, ref, e-fan, atbp); maraming sakit sa balat ang nauuso; palaging puno ang mga resort at beach; laging matao sa mga mall kasi malamig; namamatayan ng mga alagang isda ang mga mangingisda; tumataas na ang sea level dahil sa mga natutunaw na ice caps sa North at South Pole; may malakas na tendency ng super typhoon a dumating sa bansa… at ang di ko nasabi ay ikaw na ang magdagdag.

Saan mo gustong humantong ang lahat ng ito?

Sino ang dapat sisihin?

Ano ang dapat gawin?

Paano na?

Mga simpleng tanong na walang konkretong sagot.

Sa kasalukuyan, hindi na natin mapipigilan ang pagbabago ng klima. Parang ganito lang ang paliwanang diyan:

Noong prehistoric times, alam naman natin na nabuhay ang mga dinosaur at iba pang hayop na kasama nila. Nang dahil nagbago ang temperature at klima sa mundo, unti-unti silang nawala. Pero ang iba ay nag-evolve at natutong mamuhay sa patuloy na pagbabago ng klima. Bilang tao, sa tigin ko aman ay hindi tayo matutulad sa nangyari sa mga dinosaur pero ang dapat na lang nating gawin ay umayon sa klima na ating nararanasan. Patuloy ang pagbabago nito. Walang dapat sisihin sa ganitong pangyayari dahil ito ay proseso ng daigdig na di kayang pigilan ng tao.

“May panahon pa ba?” ito ang palaging sinasabi ng ilan. Syempre may panahon. Ang problema, ano na ang lagay ng panahon natin? Papaano na ang susunod na henerasyon? Kakayanin ba nila ang nararanasan natin.

Ipinapakita na sa atin sa TV, radio at internet kung ano ang mga posibilidad na mangyari sa atin at sa mundo kung hindi mapipigilan nag climate change. Sa tingin ko ay hindi ko na ito ipaliliwanag pa ng detalyado kasi matalino ka naman.

Ang punto ko, kahit isigaw mo na mainit ay hindi lalamig. Ibig sabihin, kung wala kang gagawin na aksiyon ay walang mangyayaring solusyon sa problema sa ating kapaligiran. Simulan mo sa ‘yo ang pagbabago at ibahagi ito ng may sinseridad sa iba nang sa ganun ay dumami tayo na. Alam naman natin ang dapat gawin pagdating sa basura, kalikasan at kalusugan… Kung hindi pa, dapat ay maging mapanuri at mapagmatyag ka sa paligid mo. Kunin ang tamang impormasyon at ibahagi ito sa lahat nang sa ganun ay nakatulang ka hindi lang sa ibang tao kundi sa buong mundo.

Isa lang ang mundo natin… Dapat nating gawin ang ating papel upang maging maayos ang lahat.

Nasa sa iyo ang kasagutan sa tanong na ibinigay ko.

Paalala lang ito sa ‘yo kung ayaw mong magsisisi sa banding huli.

Epiko 10: “Hindi Araw-Araw ay Pasko”



Hindi ako makapaniwala nang bigyan ng standing ovation si Jovit Baldovino ng mga judges at manonood sa Pilipinas Got Talent noong Sabado. Ang inaakala kong simpleng tao na may talento sa pagkanta ay hahakot ng papuri at paggalang sa mga manonood. Mula nang nauso ang reality talent show sa telebisyon, napakaraming Pilipino ang nangahas na pasukin ang butas ng karayom ng pagiging sikat at makilala sa buong daigdig. Isa lamang si Jovit sa mga Pilipinong sumubok sa sugal ng buhay.

Sugal ng buhay…

Paano ko ba ito isasalarawan?

Sa sugal kasi, kailangan mong pumusta at makipagsapalaran. Hindi kasi ito tulad ng isang simpleng laro na okay lang kung manalo o matalo. Sa isang sugal, mayroon kang pinanghahawakan na isang bagay na mahalaga sa ‘yo na kailangang isakripisyo mo. Ngunit wala itong katiyakan kung magwawagi ka o hindi.

Iba-iba ang isinusugal ng tao – kayamanan, mga mahalagang tao, pangarap at oportunidad. Minsan, masakit ito para sa kanilang gawin pero dahil sa tawag ng tungkulin o dahil sa isang hindi maipaliwanag na sitwasyon, nagagawa nila ito dahil wala na silang makitang paraan o solusyon. Sa huli, walang katiyakan kung magtatagumpay ba sila o hindi sa kanilang desisyon.

Hindi madali ang isugal ang mahahalagang bagay sa isang tao lalo na kung napakaimportante ng kanyang isusuko. Tulad na lang ng mga tumataya sa lotto o kaya sumasali sa mga patimpalak. Ay kanya-kanya silang dahilan kung bakit sila sumusugal. Kung ano man ang pakay nila ay hindi natin alam. Pero ang totoo niyan, mayroon silang lakas ng loob para harapin ang kung ano man ang kapalaran na naghihintay sa kanya.

Likas sa tao ang makipagsapalaran sa buhay dahil naninwala siya sa pagbabago. Kung hindi nangahas si Magellan na manguna sa ekspedisyon eh di sana hindi niya matatagpuan ang Pilipinas. Kung hindi nakipagsapalaran ang cosmonaut na si Yuri Gagarin na makapunta sa kalawakan eh di sana walang taong nangahas na alamin ang misteryong nakabalot sa kalawakan. Tulad din ng mga kilala nating sikat na artista na sumikat dahil nanalo sa isang patimpalak, naroon sa puso nila ang pag-asa na may mabago at mapatunayan sila sa sarili kahit ang kapalit nito ay isang mahirap na desisyon o bagay.

Pag-asa… Swerte…

Iyan ang mga salitang kadikit ng sugal ng buhay.

Ngunit may kasabihan din sa sugal na “Hindi araw-araw ay Pasko.” Hindi lahat ay pinapalad na maging matagumpay sa sugal ng buhay.

Isang halimbawa ay an gating mga kapatid na OFW na nakipagsapalaran sa ibang bansa upang magkaroon ng maayos na buhay sa kanilang sarili at pamilya. Alam natin ang pinagdaanan nila bago sila makaalis sa bansa. Ngunit sa kasamaang palad, hindi lahat ay umuuwing tagumpay. Ang iba, inabuso ng employer o di kaya ay namatay dahil naaksidente o pinatay. Masakit ito hindi lang sa sumugal kundi ang mga taong umaasa at nagsakripisyo para sa kanila upang makapunta sa ibang bansa.

Nakalungkot dahil nasayang lang anglahat.

Pero tulad sa isang sugal, kailangang mong bumawi at maniwala na mananalo ka uli. Kapag alam mo na panalo ka na, kailangang maging matalino ka at mag-isip. Hindi naman sa masamang umayaw sa sugal ng buhay pero dapat isipin mo din ang limitasyon mo nang sa ganun eh wala kang pagsisihan. Kung baga sa sugal eh “bawi lang ang puhunanan mo.”

Ang bawat isa sa atin ay may nakakaranas ng sugal ng buhay. Dapat lang nating tandaan na hindi natin hawak ang swerte sa larangang ito. Hindi sapat ang lakas ng loob sa sugal ng buhay. Tamang desisyon, tiwala sa sarili, maluwag na pagtanggap ng kabiguan at hindi kawalan ng pag-asa ang sikreto upang manalo.